UPANG hindi na bumunot pa mula sa sarili nilang bulsa ang mga principal, guro at maging mga magulang, umapela si Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa liderato ng Kamara na dinggin at katigan sa lalong madaling panahon ang inihain niyang House Joint Resolution No. 4, na humihiling na maglaan ng P32 billion supplemental budget para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Castro, nagsimula na ang ‘Brigada Eskuwela’ sa lahat ng public schools sa bansa bilang paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Agosto 22.
“Yesterday marked the beginning of the Brigada Eskwela for public schools. Teachers, parents, and school heads have started to prepare schools for the return of the learners to school. Most teachers and school heads rely heavily on donations from parents to repair and clean classrooms. Teachers are still forced to use their personal money to be able to start the repairs of their classrooms,” sabi pa ni Castro.
Kaya naman upang masolusyunan ito, sa ilalim ng HJR No. 4, ay iminumungkahing maglaan ang Kongreso ng P32 billion supplemental budget upang magamit bilang MOOE ng mga public school at matustusan nito ang pangangailangan sa bawat silid-aralan.
“Malayo ang mararating ng dagdag na P32 bilyon sa paghahanda ng mga paaralan para sa ligtas na balik-paaralan. Ito ay para sa MOOE ng 47,612 na paaralan, DOST schools at SUCs na mayroong basic education. Para sa repair ng mga klasrum, school supplies, air filtration, hand-washing area at iba pang gamit para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan para sa face-to-face classes. Malaking bagay para sa mga paaralan, principals, teachers, magulang at mga mag-aaral,” pagbibigay-diin pa ni Castro.
“Huwag na natin hayaan ang mga guro at principal na gamitin nila ang kakarampot na suweldo para punan ang kakulangan ng gobyerno para sa paghahatid ng kalidad at ligtas na edukasyon sa mga kabataan,” ani Castro.
“The Brigada Eskwela program is actually proof that government does not allocate enough funds for schools because teachers, principals and the parents are forced to solicit for materials to be able to make sure that classrooms are ready and safe for the learners.” ROMER R. BUTUYAN