HINIMOK ng isang pro-health congressman ang kanyang mga kapwa mambabatas na magsulong ng iba’t ibang panukalang batas na naglalayong mas mapabuti pa ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) No.11223 o ang Universal Health Care Act (UHC).
Partikular na iginigiit ni Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes na tuluyang malibre ang bawat mamamayang Pilipino sa pagbabayad o “zero bill” sa pagpapagamot ng anumang uri ng sakit.
Ayon kay Reyes, nakalulungkot ang ipinalabas na ulat ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na nagsasaad na sa kabila ng pagiging Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) members, dapat pa ring bumunot mula sa kanilang sariling bulsa ang mga nangangailangan ng serbisyong medikal.
Sa December 2022 study ng PIDS, lumitaw na ang hanay ng “elderly, women, rural and poor Filipinos” ang silang kinakailangang gumastos pa sa pagpapagamot dahil limitado lamang sa 40% ng total hospital costs ang saklaw ng national health insurance program.
Pagbibigay-diin ni Reyes, sa pamamagitan ng pag-amyenda o pagsusulong ng partikular na proposed measures, maaaring madagdagan ng pondong ibubuhos sa UHC.
Ito’y sa layunin na ring mas maging mahusay, komprehensibo at kapaki-pakinabang ang mga medical package ng PhilHealth, lalo na ang matiyak na hindi na kailangang magbayad ang mga mamamayang Pilipino sa pagpapagamot.
Kaya naman iminumungkahi ni Reyes ang pagtataas sa buwis na ipinapataw sa lahat ng sugar sweetened beverages at mga tinatawag na ‘sin product’ na magagamit bilang dagdag-pondo sa UHC.
“I for one will continue to push for additional taxes for sugar sweetened beverages not only to help fund UHC but also to promote healthier lifestyle among Filipinos.
Malaking ginhawa po ang ating UHC law ngunit marami pa tayong dapat gawin para lalo pa itong mapabuti.’ Giit pa ni Reyes.
-ROMER R. BUTUYAN