UMAASA si Anakalusugan party-list Rep. Ray Reyes na sa kanilang pagbabalik sesyon sa susunod na linggo ay mapagtutuunan ng pansin, partikular ng Senado, ang tuluyang pag-apruba sa panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs).
“As we continue to fight for the rights of our workers, let us also shed light on the plight of our Barangay Health Workers and push for the passage of the Magna Carta for Barangay Health Workers,” ang paghihimok ni Reyes sa kanyang mga kapwa mambabatas.
Nagpapasalamat si Reyes sa liderato ng Kamara sa pagpasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa nasabing proposed measure kung saan isa siya sa principal authors nito.
Nabatid sa kongresista na kabilang sa mga maganda at mabuting probisyon ng Magna Carta for Barangay Health Workers, partikular ang nakapaloob sa inihain niyang House Bill 1829, ay ang pagbibigay ng monthly honoraria, na katumbas ng Salary Grade 8 o nasa P19,744, sa mga BHW.
Gayundin ang pagkakaroon ng mga ito ng P1,000 monthly hazard pay; subsistence allowance na P100 kada araw; P1,000 monthly transportation allowance; cash gift na katumbas ng kanilang monthly honoraria tuwing buwan ng Disyembre at iba pa.
Sinabi ni Reyes na bukod sa fixed monthly honorarium at iba pang cash incentives, ipinapanukala rin niya ang pagbibigay ng non-cash benefits sa lahat ng accredited BHWs.
Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng 20% discount alinsunod sa itinatakda ng Section 4(a) ng Republic Act 994 o ang Expanded Senior Citizens’ Act of 2010; scholarship at training programs; libreng pagpapagamot sa lahat ng government health institutions; mandatory PhilHealth membership; sick, maternity at vacation leaves; insurance coverage mula sa Government Service Insurance System (GSIS); disability benefit; free legal assistance; easy access sa loan programs at pagkakaroon ng civil service eligibility.
Paggigiit ni Reyes, matagal nang isyu ang kawalan ng sapat na benepisyo para sa mga BHW sa kabila ng malaking papel na ginagampanan ng mga ito sa pangangalaga sa kalusugan ng kanilang mga kalugar at pagsusulong ng iba’t ibang health programs sa komunidad kung saan sila nakatalaga kaya, aniya, marapat lamang na sa lalong madaling panahon ay maging ganap na batas ang kanyang ipinapanukala.
ROMER R. BUTUYAN