PARA tiyakin ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, kailangang dagdagan ang budget para sa development nito, kabilang ang mga programang isinusulong ng Mindanao Development Authority (MinDA), ayon kay Sen. Robin Padilla.
“Malapit sa amin ang Mindanao. Para sa amin, ‘pag nakikita namin ang budget, kasi pinakita po sa amin ang budget ng DBM. Ang laki sa Luzon, tapos pagdating sa Visayas, malaki rin. Pero pagdating sa Mindanao, medyo maliit pa rin. Medyo may kalungkutan po doon pagdating sa punto na yan,” pahayag ni Padilla sa pagdinig ng Senate finance subcommittee para sa budget ng MinDA para sa 2023.
“Sabi n’yo nga, napakahalaga ng kapayapaan. At alam natin ang ugat ng lahat ng kaguluhan ang dapat maging pantay-pantay ang development,” dagdag ng senador kay MinDA Chairperson Ma. Belen Acosta.
Ani Padilla, bagaman gagawa sila ni finance subcommittee chairman Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ng paraan para dagdagan ang budget ng MinDA, dapat makausap din ng opisyal ng MinDA ang Department of Budget and Management.
Para sa 2023, may P158.958 milyon ang MinDA sa National Expenditure Program – mas mababa ng P38.312 milyon kumpara sa budget nito na P197.27 milyon para sa 2022.
Dahil dito, may P306.642 milyong proyektong hindi mapopondohan, kasama rito ang Mindanao digital innovations program: P18.98 milyon; Expanded Mindanao economic recovery program: P20.977 milyon; Mindanao River Basins Food-Energy-Water nexus program: P12.390 milyon; at Mindanao Indigenous Peoples Heritage Preservation and Development Support Program: P10 milyon
Samantala, umaasa si Padilla na magkaroon din ng sapat na pondo at suporta ng lokal na pamahalaan para mabuo na ang airport sa Mlang, Cotabato.
Ani Padilla, sayang ang airport na higit 15 taon nang nakabimbin.
“Sayang iyan. Maganda ‘yan sana sa Central Mindanao. Ang progresibong lugar talaga ang may airport, seaport. Hanggang wala po ‘yan, sayang ang 15 years,” aniya.
VICKY CERVALES