(Iha-hire ng mga kooperatiba) UNCONSOLIDATED JEEPNEY DRIVERS

MAAARING mapanatili ng unconsolidated jeepney drivers ang kanilang mga trabaho makaraang ihayag ng  public utility vehicle (PUV) cooperatives na bukas silang i-hire ang mga ito.

“‘Yung mga drivers ng operators, silaý hindi mawawalan ng trabaho,” sabi ni Andy Ortega, head ng Office of Transport Cooperatives.

“Sila (PUV cooperatives) ay tatangap ng drivers doon sa mga operators na hindi nag- consolidate.”

Ayon kay Ortega, may mahigit 1,700 kooperatiba sa buong bansa.

“It will be that the drivers will become members of the cooperative and they will continue to be drivers [of the operators],” ani Ortega. “‘Yun ‘yung assurance ng ating cooperatives that they will hire, get and help the drivers doon sa mga operators na hindi nag-consolidate.”

Hanggang Jan.4, ang  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nakapagtala ng 111,581 consolidated PUVs sa bansa. Katumbas ito ng  73.96% ng lahat ng authorized units sa buong bansa.

Sa Metro Manila, ang LTFRB ay nakapagtala ng 21,655 consolidated PUVs na katumbas ng 51.34% ng lahat ng authorized units nito.

Ang aplikasyon para sa consolidation ng jeepney operators sa mga kooperatiba, na bahagi ng PUVMP pamahalaan, ay nagtapos noong December 31, 2023.

Ang mga nabigong mag-aplay para sa consolidation ay hindi na papayagang mag-operate simula January 1, 2024, lalo na sa mga ruta na 60% ng PUVs ang may aplikasyon.

Ang mga pumapasada sa mga ruta na mababa sa 60% ang consolidation o may zero consolidation ay papayagan pa ring bumiyahe sa kanilang mga ruta hanggang January 31.