(Ihahayag ni PBBM sa unang SONA)ECONOMIC GAMEPLAN

PH ECONOMIC GROWTH

IHAHAYAG ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang economic gameplan sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 25, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.

Sinabi ni Diokno na ang gameplan, na tinawag niyang Medium Term Fiscal Consolidation Framework, ay maglalatag sa bisyon ni Marcos para palaguin ang ekonomiya, mabawasan ang kahirapan at igiya ang bansa sa upper middle income status sa kanyang termino.

Sinabi pa niya na magkakaroon ng sapat na pondo ang pamahalaan dahil tataas ang tax collections sa paglago ng ekonomiya.

“I think we still have a lot of fiscal space because we are confident that our revenues will pick up,” sabi ni Diokno. Aniya, ang ekonomiya ay inaasahang lalago ng 6.5 hanggang 7.5 percent ngayong taon, at 6.5 hanggang 8 percent mula 2023 hanggang 2028.

Dahil dito, target ng pamahalaan na ibaba ang national government deficit-to-GDP ratio sa 2023 sa 3 percent mula sa kasalukuyang 9 percent.

Sinabi pa ng Finance chief na layon din nila na maibaba ang poverty incidence sa 9 percent bago matapos ang termino ni Marcos sa 2028.