IHANDA ANG SARILI AT TAHANAN

TAG-ULAN

PATAPOS na ang tag-init. Isa naman sa kailangan nating paghandaan ang pagda­ting ng tag-ulan. Tiyak nga namang maraming kailangang ayusin bago sumapit ang tag-ulan upang mapanatiling ligtas ang ating sarili at pamilya.

Kapag panay ang pag-ulan, may mga maaari itong maidulot sa atin at sa ating tahanan. Kaya bago pa lang ito dumating, narito ang ilang tips na kailangan nating pagtuunan ng pansin nang mailayo sa kapahamakan ang ating pamilya at tahanan:

I-CHECK ANG KABUUAN NG TAHANAN

Maglaan tayo ng pa­nahong i-check o suriin ang kabuuan ng ating tahanan. Alamin angtahanan mga lugar na kailangang ayusin nang hindi maperhuwisyo pagdating ng tag-ulan. Kung mayroong mga crack ang dingding at butas ang bubong, siguraduhing naayos na ito bago pa sumapit ang tag-ulan.

Huwag nang hintayin pang sumapit ang tag-­ulan bago i-check ang kabuuan ng bahay. Mahirap nga naman kung kailan umuulan ay saka mo pa madidiskubreng may butas pala ang inyong bubong. Nakauubos din ng oras ang pagsasahod ng timba o palanggana sa butas.

Kaya ngayon pa lang, i-check na ang bubong. Gayundin ang mga dingding.

ALISIN ANG MGA NAKABARA SA ALULOD

Isa rin sa nakasisira ng alulod ay ang mga nakabarang dahon. Hindi nga naman nakadadaloy ng maayos ang tubig kaya’t naiipon ito. At kapag naipon sa alulod ang tubig, maaari itong bumigat at mabutas. Maaari ring maging dahilan ito ng pagkasira ng alulod.

Ngayon pa lang o bago umulan, alisin na ang mga nakabarang dahon o sanga ng puno sa daanan ng tubig nang hindi ito maging sanhi ng problema ngayong paparating na tag-ulan.

LINISIN ANG MGA BARADONG KANAL

Huwag ding kaliligtaan ang mga baradong kanal dahil isa ito sa dahilan ng pagbaha o pagpasok ng tubig sa inyong tahanan. Upang maiwasan ito, siguraduhing nalilinis ang inyong mga kanal at natanggal ang mga basura o plastic na maaaring bumara.

Iwasan din ang pagtatapon ng basura sa kanal nang hindi ito umapaw.

AYUSIN AT ITAGO ANG MGA MAHAHALAGANG DOKUMENTO

May mga lugar na mabababa. May mga bahay na pinapasok ng tubig. Kung ang kinata­tayuan ng bahay mo ay mababa o bahain, nga­yon pa lang ay ayusin na ang mga mahahalagang dokumento o papeles. ­Ilagay ito sa isang lugar na hindi maaabot ng tubig. Mainam din kung itatago ito sa mga water-proof na lalagyan nang hindi ito mabasa at mapasok ng tubig.

Kung may second floor naman ang bahay, mainam din kung iaak­yat na roon ang mga mahahalagang gamit nang hindi mabasa. Huwag nang hintaying umulan o bumaha bago gawin ang paghahanda at pag-aayos.

HUWAG KALILIGTAANG IHANDA ANG FIRST AID KIT

Sa anumang panahon, dapat ay lagi tayong may nakahandang first aid kit. Napakahalaga nito upang mapanatiling ligtas ang ating pamilya. At sa pagsapit ng tag-ulan, mas maraming problema ang maaaring maranasan—pagkakasakit at kung ano-ano pa. Kaya mainam na maghanda ng gamot para sa lagnat, pananakit ng tiyan, ubo, sipon at sugat.

MAG-IMBAK NG TUBIG AT PAGKAIN NA TATAGAL NG TATLONG ARAW

Importante rin ang pag-iimbak ng pagkain at tubig na tatagal ng tatlong araw. Kung maulan, kung minsan ay kinatatamaran nating lumabas ng bahay. May mga pagkakataon ding dahil mataas ang tubig at wala tayong madaanan ay hindi natin magawang makapamili ng mga kakailanganin ng ating pamilya.

At para maging handa, siguraduhing may mga nakaimbak na pagkain at tubig nang magkataon mang hindi makalabas ng bahay ay hindi magugutom ang buong pamilya. Piliin din ang mga pagkaing tatagal at hindi agad-agad na masisira.

MAGHANDA NG FLASHLIGHT AT BATERYA

FLASHLIGHTIsa rin sa nangyayari kapag tag-ulan ay ang pagkawala ng kor­yente. Hindi nga naman ito maiiwasan kaya’t kailangang may nakahanda kayong flashlight at mga baterya nang mayroong magamit sa ganitong mga panahon at pagkakataon. Ilagay rin ang mga ito sa madaling mahanap nang mawalan man ng koryente ay mahahagilap ito kaagad.

ALAMIN KUNG PAANO MAPAPATAY ANG KORYENTE

Isa rin sa dapat na ­alamin ng marami ay kung nasaan ang main switch ng koryente nang kapag bumaha at kinailangang patayin, mapapatay agad. Huwag magmarunong. Alamin ang dapat alamin. Huwag ding aasa sa mga kasamahan sa bahay o kapamilya. Mabuti na iyong handa sa kahit na anong panahon. Mabuti na rin iyong may alam nang makatulong sa oras ng pangangailangan o sakuna.

IHANDA ANG MGA KAKAILANGANING GAMIT SA PAGLIKAS

Kailangan ding may nakahanda tayong gamit sa paglikas. Hindi natin nalalaman ang mga puwedeng mangyari kapag malakas ang ulan. Maaaring hingin ng pagkakataong lumikas tayo. Kaya naman, ihanda ang lahat ng mga kakailanganin o importanteng gamit nang sa paglikas, hindi na mahirapan pa.

PANATILIHING NAKA-CHARGE ANG CELLPHONE

CP CHARGEKaakibat na ng ma­rami sa atin ang gadget, lalo na ang cellphone. Kapag tag-ulan, siguraduhing naka-charge ito at mayroong load nang may magamit kapag kinailangan.

MAGING ALERTO

Sa ganitong mga panahon, kailangan ding mahinahon ang kahit na sino at alerto sa mga nangyayari. Kaya makinig ng balita nang malaman ang lagay ng panahon.

Ngayon pa lang ay ihanda na natin ang ating mga tahanan at sarili sa paparating na tag-ulan.  (photos mula sa google) CT SARIGUMBA

Comments are closed.