(Ihihirit ng agri groups sa SC) TRO VS RICE TARIFF CUT

MAGHAHAIN ang mga agriculture group ng petition for prohibition with a prayer for Temporary Restraining Order sa Korte Suprema kasunod ng pag-iisyu ng Executive Order No. 62.

Binago ng EO ang nomenclature at import duty rates para sa iba’t ibang  produkto, tulad ng bigas, para sa period na 2024 hanggang 2028.

Sa report ng ABS-CBN News, sinabi ni Virgie Suarez, legal counsel ng SINAG, na ihihirit nila ang  TRO dahil sa umano’y pagkabigo ng Tariff Commission na sumunod sa legal processes at sa constitutionality ng EO 62.

“Walang konsultasyon, walang public hearing, at unjustified ang pagpapababa ng taripa — minamarapat natin na kuwestiyunin ang constitutionality ng issuance ng EO 62,” sabi ni Suarez.

“Parang minadali at ginawan ng paraan para ma-publish at maging effective agad,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng mga grupo na ang tariff cut ay magkakaroon ng negatibong epekto sa mga local producer at magbibigay benepisyo lamang sa mga rice exporter.

“Around 500,000 farmers ang estimate namin na madi-displace. ‘Yung projection ng USDA, next year additional 1M metric ton ang papasok sa Pinas. So ito ay nakakabahala dahil magsu-surrender ang local farmers natin doon sa pagbaba ng taripa,” wika ni SINAG President Rosendo So.

“Kapag ibinaba mo ‘yung taripa, ini-invite mo ang importation lalo at hindi natutugunan ‘yung problema ng ating magsasaka. Talong talo tayo sa pagpapababa ng taripa dahil wala naman tayong control sa pagtaas ng presyo,” ani Saurez.

Iginiit din nila na sa pagbaba ng taripa sa imported rice ay hindi awtomatikong bababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Anila, sa kabila ng tatlong taon na pagbaba ng taripa sa bigas at manok ay patuloy na tumataas ang retail prices ng mga ito.