UMAPELA ang Commission on Elections (Comelec) sa susunod na Kongreso ng pagpapatibay ng batas na maglilibre sa buwis ng election service honorarium ng mga gurong magsisilbi sa 2022 national at local elections.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, lumiham na sila sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang mabawi ang 20% buwis sa honorarium ng mga gurong may papel sa eleksiyon sa Mayo 9.
“Kami ay sobrang nakiusap na baka puwedeng ma-exempt man lang. Ito naman ay honoraria lang, hindi naman talaga sahod. Isipin niyo, tinaasan nga namin eh, dinagdagan namin ng P2,000 ‘yung matatanggap nila,” giit ni Garcia.
“Kapag binawasan pa sila ng 20%, ‘yung tinaas namin, ‘yun din ang ibabawas,” dagdag nito.
Sa naunang pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, kapwa hindi pinaboran ng BIR at Department of Finance (DOF) ang itinutulak na tax exemption dahil sa mga probisyon ng Tax Code at TRAIN Law.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na tanging ang Kongreso lamang ang makapag-aamyenda ng batas upang mabigyan ng exemption sa buwis ang election honoraria ng mga guro.
“Panawagan natin sa ating Kongreso, sa susunod na Kongreso, sana mapag-isipan na talaga natin na maisabatas ‘yan na dapat exempted ang kinikitang konti ng ating mga teachers, ng ating mga workers sa mismong araw ng eleksiyon sa mismong pagbabayad ng income tax,” apela ni Garcia.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10727, ang honoraria sa election-related service ng mga guro ay P7,000 para sa Chairperson ng Electoral Board (EB); P6,000 para sa miyembro ng electoral board; P5,000 para sa DepEd Supervisor Official (DESO); P3,000 para sa support staff; at P3,000 sa mga medical personnel.
“Kapag may nangyaring sumobra sa panahon na binigay namin, kakasuhan namin ang lahat kahit pa ‘yung mga empleyado ng Commission on Elections. Dapat maibigay po lahat ‘yan kaagad sa mga teachers natin,” diin ni Garcia. Jeff Gallos