(Ihinirit ng LTFRB sa Kongreso) EXTENSION NG “LIBRENG SAKAY” SA 2023

MULING hiniling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Kongreso na palawigin pa ang programang “Libreng Sakay” sa Edsa Busway sa pamamagitan ng pagkakaloob ng karagdagang budget upang matulungan ang sektor ng transportasyon na makabangon mula sa pandemya.

“Ang rekomendasyon po ng ating ahensiya, humihingi po tayo ng karagdagang budget para po sa libreng sakay sa 2023. At umaasa po kami na ito po ay aaprubahan ng ating Kongreso para po sa ating mananakay nationwide at tulong na rin sa ating mga partner na drivers and operators,” pahayag ni Atty. Robert Peig, Executive Director ng LTFRB, sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes, Disyembre 2.

Kasabay nito, isinulong din niya na maging institusyonal ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) upang gawing conventional project sa bansa ang transport modernization.

Aniya, batay sa pinakahuling datos ng LTFRB, mayroong hindi bababa sa 7,873 operator sa buong bansa ang nag-avail ng PUVMP.

“Sa aming pinakahuling data, 7,873 operators ang nakapag-modernize na ng kanilang mga unit. Patuloy na pinoproseso ng LTFRB ang mga loan application ng mga operator. And hopefully itong darating na taon madadagdagan pa po itong data natin ng modernized units,” dagdag ng LTFRB official. EVELYN GARCIA