(Iimbestigahan ng COMELEC) VOTERS BIGLANG LUMOBO

NAKATAKDANG paimbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga ulat na may mga lugar sa bansa na nagkaroon ng di pangkaraniwang pagtaas ng bilang ng mga botante.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kabilang sa mga lugar na may biglaang pagdami ng bilang ng mga botante ay sa Makati, Nueva Ecija, Cagayan de Oro, at Batangas.

Katulad aniya sa isang lugar na nagkaroon ng dagdag na 18,000 bagong botante mula Pebrero nang magsimula ang voter registration hanggang Hul­yo.

Ayon kay Garcia, may mga lugar na walang dahilan pero biglang tumaas ang populasyon ng mga botante mula 20 hanggang 40%.

Paliwanag ni Garcia, karaniwang ginagamit lang aniya ng mga ito sa requirements upang makapagparehistro ang isang botante ay ang pagpapakita ng barangay certification.

Nangangamba naman ang komisyon na maaring nagagamit na sa pamumultika ang mga botante.

Babala ni Garcia kung mapatutunayan ang iregularidad  puwedeng nilang ipawalang bisa ang listahan ng mga botante at magsagawa ng panibagong special voter re­gistration sa nasabing lugar.

PAUL ROLDAN