ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagsasagawa ng malalimang pagsisiyasat sa paglaganap ng mga hindi awtorisadong transaksiyon sa bangko, gayundin sa spam text messages na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa mobile users.
“Kailangan ng mas komprehensibong imbestigasyon sa mga isyung ito para makabuo tayo ng panukalang batas na tutugon sa mga hinaing ng publiko katulad ng paglabag sa kanilang personal na data at pagtitiyak kung ang mga bangko, maliliit na establisimiyento, at mga regulatory agencies ay nagpapatupad ng sapat na seguridad, pamamahala at mekanismo na tutugon sa mga hinaing ng mga konsyumer,” sabi ni Gatchalian.
Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 961, hiniling ni Gatchalian na iatas sa naaangkop na komite ang pagsasagawa ng imbestigasyon na layong makagawa ng batas at mapalakas ang mga legal na basehan sa pagpapatupad ng Data Privacy Act, Cybercrime Prevention Act, New Central Bank Act, at iba pang kaugnay na batas.
“Kailangan nating tiyakin na ang mga ahensiya ay may mga sapat na kapangyarihan upang masiguro na mapoprotektahan ang mga personal na impormasyon at pera ng publiko, at kung maaari ay maiwasang maulit ang mga ganitong insidente. Dapat magkaroon ng batas laban sa mga lokal at global organized syndicates na nambibiktima ng mga ordinaryong Pilipino, lalo ng mga overseas Filipino workers (OFWs), at ‘yung mga walang trabaho,” aniya.
Bago napabalita ang malawakang hacking sa bank accounts ng BDO depositors, ilang indibidwal ang nagsabing nabiktima sila ng mga scammer na nagpadala ng mga spam text message na nag-aalok ng mga trabaho, premyo, o discounted items sa online. Kalaunan ay hinihikayat ng mga scammer ang kanilang biktima na ibunyag ang kanilang personal na impormasyon o ang kanilang One-Time Password (OTP).
Batay sa mga naglipanang reklamo sa social media sa hacking ng BDO accounts, sinabi ng mga biktima na hindi sila nag-click o nagbukas ng anumang kahina-hinalang link at hindi rin nagbigay ng kanilang OTP kaninuman. Sa kabila nito, napag-alaman nila na nagawang ma-access ng mga cyber criminal ang kanilang accounts at ilipat ito sa Union Bank account ng isang nagngangalang “Mark Nagoyo.”
“Ang mga ganitong insidente ng bank hacking ay patunay na may mga security breaches na hindi kagagawan o dahil sa kapabayaan ng account holder,” sabi ni Gatchalian.
Kahit pa sinimulan nang ibalik ng bangko sa ilang biktima ang kanilang nawalang pera, sinabi ni Gatchalian na ang paglobo ng bilang ng ganitong mga kaso ng mapanlinlang na electronic payments at online banking transactions ay nagpapahiwatig ng kakulangan ng mga mekanismo laban sa identity theft, pag-atake sa cybersecurity at iba pang kahalintulad na cybercrimes.
“Dapat matigil na o maiwasan na maulit ang mga ganitong pangyayari. Mababawasan ang kumpiyansa ng publiko sa mga bangko kung magpapatuloy ito. Nakababahala rin na na-e-expose ang mga mobile phone number sa mga organisadong global syndicates na may pakana umano ng mga spam text messages,” ayon pa kay Gatchalian. VICKY CERVALES