Ika-10 milyonaryo ng lotto ngayong 2021, Kapampangan

NASA 10 lucky bettor na ang naging instant milyonaryo sa lotto ngayong taong 2021 lamang.

Ito’y matapos na isang Kapampangan na naman ang magwagi ng mahigit P69 milyong jackpot prize sa Super Lotto 6/49 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, nahulaan ng masuwerteng mananaya ang six-digit winning combination na 13-28-07-31-34-24 ng Super Lotto 6/49 na mayroong tumataginting na premyong P69,298,066.80.

Sinabi ni Garma na nabili ng lucky bettor ang winning ticket sa Porac, Pampanga.

Samantala, mayroon namang 35 mananaya ang nanalo ng tig-P50,000 bawat isa matapos nilang makuha ang lima sa anim na nanalong numero.

Para makubra ang premyo, pinayuhan ni Garma ang masuwerteng mananaya, na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang dalawang valid ID at ang winning ticket.

Matatandaang noong Enero, limang mananaya ang nagwagi ng milyon-milyong cash prize ng lotto, habang lima din naman ang naging instant milyonaryo dahil sa lotto ngayong Pebrero.

Kaugnay nito, hinimok ni Garma ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga laro ng PCSO upang mas maraming matulungang mga kababayang nangangailangan lalo na sa kanilang pambayad sa ospital gayundin sa kanilang dialysis at chemotherahy sa mga pasyenteng may sakit na cancer. Ana Rosario Hernandez

6 thoughts on “Ika-10 milyonaryo ng lotto ngayong 2021, Kapampangan”

Comments are closed.