NAKOPO nina June Mar Fajardo at Rondae Hollis-Jefferson ang top individual awards para sa PBA Season 49 Governors’ Cup nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Ang 6-foot-10 na si Fajardo ay napiling Best Player of the Conference makaraang pangunahan ang San Miguel sa semifinals kung saan sa huli ay yumuko sila sa sister team Barangay Ginebra upang masibak sa torneo.
Tinalo ni Fajardo ang kanyang teammate na si CJ Perez, ang Ginebra duo nina Japeth Aguilar at Scottie Thompson, Robert Bolick ng NLEX, at Arvin Tolentino ng NorthPort tungo sa kanyang ika-11 BPC award.
Nakalikom si Fajardo ng 465 statistical points, 476 media votes, at 48 player votes para sa kabuuang 989 points.
Samantala, nasikwat ni reinforcement Hollis-Jefferson ang Best Import award makaraang pamunuan ang TNT, na kasalukuyang nakikihamok laban sa Ginebra sa best-of-seven finals.
Ginapi ng American import sina EJ Anosike ng San Miguel, Aaron Fuller ng Rain or Shine, at Justin Brownlee ng Ginebra matapos makakolekta ng 663 statistical points, 491 media votes, at 67 player votes.
Ito ang ikalawang sunod na Best Import plum ni Hollis-Jefferson makaraang makopo ang parehong award sa nakaraang Governors’ Cup kung saan pinangunahan niya ang TNT sa titulo nang gapiin ang Gin Kings sa anim na laro.
Tinanggap nina Fajardo at Hollis-Jefferson ang kanilang awards bago ang Game 4 ng PBA Governors’ Cup Finals sa pagitan ng TNT at Barangay Ginebra. CLYDE MARIANO