IKA-126 ARAW NG KALAYAAN IDARAOS SA 7 HISTORICAL PLACES

PITONG tanyag na makasaysayang lugar ang pagdarausan ng ika-126 Araw ng Kalayaan na ipagdiriwang ngayong araw ng buong Pilipino at kahit sa labas ng bansa.

Ang tema para ngayong taong selebrasyon ng Kalayaan ay Kalayaan, Kinabukasan at Kasaysayan.

Ang main celebration ay isasagawa sa Independence flagpole, Jose Rizal Monument, Rizal Park, Manila kung saan mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mangunguna habang makakasama nito sina National Historical Commission of the Philippines (NHCP) NHCP Chairperson Lisa Guerrero Nakpil at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.

Magkakaroon din ng Parada ng Kalayaan na magsisimula ngayong alas-3 ng hapon kung saan tampok ang paglaban ng mga ninuno para makamit ang kalayaan.

Kasabay din ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Dambanang Emilio Aguinaldo sa Cavite, Barasoain Church Historical Landmark sa Malolos City, Bulacan, Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan City, Mausoleo delos Veteranos dela Revolucion sa Manila North Cemetery, Andres Bonifacio National Monument in Caloocan City, at Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa Angeles City, Pampanga.

Magkakaroon din ng Flag-raising rites sa lahat ng 28 NHCP museums at local government units sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Simula kahapon ay isinagawa ang Mga Pampamahalaang Programa at Serbisyo sa mahigit 50 iba’t ibang government agencies at mga tanggapan sa 132 booths kung saan tampok ang kanilang produkto at serbisyo.

Ang iba pang sangkap ng kanilang selebrasyon ay Kadiwa ng Pangulo sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) kung saan mag-aalok ng fresh produce na produkto habang ang Klinikalayaan 2024 magbibigay rin ng free consultation at basic medical, dental and optical services.

Para kumpleto ang saya, magkakaroon ng Burnham Green Activities sa harap ng Quirino Grandstand gaya ng chili-eating contest, music and dance concerts, cooking show, obstacle course, film showings, Kalye Kasaysayan at Love Lokal Tiangge, isang flea market na mabibilhan ng local products.

Ang NHCP ay pambansang ahensiya na may mandatong isulong ang Philippine history sa pamamagitan ng museums, research, at publications, at mapreserba ang historical heritage sa pamamagitan ng conservation at ang marking of historic sites and structures.
EUNICE CELARIO