NAISALPAK ni Jae Crowder ang pares ng jumpers, kabilang ang isang 3-pointer, makaraang dumikit ang Golden State Warriors ng isang puntos sa fourth quarter at namayani ang host Phoenix Suns sa Pacific Division showdown, 104-96, para sa franchise-record-tying 17th consecutive victory Martes ng gabi.
Nagtala sina Deandre Ayton (24 points, 11 rebounds) at Chris Paul (15 points, 11 assists) ng double-doubles para sa Suns, na nagwagi sa kabila ng pagkawala ni Devin Booker dahil sa strained left hamstring sa second quarter. Natamo ni Booker ang injury nang mag-drive sa kalagitnaan ng second quarter. Dinala siya sa locker room, at inanunsiyo ng Suns na hindi na siya babalik.
Napantayan ng winning streak ng Suns ang 17 sunod na panalo ng 2006-07 team, sa pagitan ng December 2006 at January 2007, at nakumpleto rin ang unang 16-0 calendar month ng NBA magmula nang magawa ito ng Warriors noong November 2015 bilang bahagi ng kanilang record-setting 24-0 start.
Nagbuhos si Jordan Poole ng game-high 28 points at nagdagdag si Otto Porter ng 16 para sa Warriors, na ang star na si Stephen Curry ay nalimitahan sa 12 points sa 4-for-21 shooting. Maghaharap anh dalawang koponan sa isang rematch sa Biyernes ng gabi sa San Francisco.
LAKERS 117,
KINGS 92
Umiskor si Anthony Davis ng 25 points, bumuslo si Malik Monk ng 6 of 10 mula sa 3-point range tungo sa 22 points mula sa bench at pinulbos ng Los Angeles ang host Sacramento sa kabila ng pagliban ni LeBron James.
Tumapos si Russell Westbrook na may 23 points, 6 assists at 5 rebounds, at nakalikom ang bench ng Lakers ng 58 points. Nabura si James sa lineup dahil sa COVID-19 health at safety protocols.
Naipasok ni Richaun Holmes ng Kings ang 12 sa 13 tira para sa game-high 27 points, tumipa si De’Aaron Fox ng 17 at kumabig si Chimezie Metu ng 14 points at 11 rebounds.
TRAIL BLAZERS 110,
PISTONS 92
Tumabo si CJ McCollum ng 28 points at 6 assists at tumirada si reserve Ben McLemore ng season-high 17 points nang dispatsahin ng Portland ang bisitang Detroit.
Magaan na umangat ang Portland sa 10-1 sa home sa kabila ng hindi paglalaro ni six-time All-Star Damian Lillard dahil sa lingering abdominal injury.
Nagsalansan si Jusuf Nurkic ng 13 points, 8 rebounds at 5 assists para sa Trail Blazers na naputol ang three-game slide. Nagdagdag si Anfernee Simons ng 12 points, 6 rebounds at 5 assists.
Kumana si rookie No. 1 overall draft pick Cade Cunningham ng career-high 26 points para sa Pistons, na nalasap ang ika-7 sunod na pagkatalo. Nag-ambag si Isaiah Stewart ng 15 points at 14 rebounds habang gumawa si Jerami Grant ng 14 points.
Sa iba pang laro ay nilambat ng Nets ang Knicks, 112-110, at nadominahan ng Grizzlies ang Raptors, 98-91.