NAGBUHOS si Jayson Tatum ng 31 points at 11 assists at nakopo ng Boston Celtics ang kanilang league-record 18th championship sa 106-88 pagdispatsa sa Dallas Mavericks noong Lunes ng gabi sa Game 5 ng NBA Finals.
Kumalawit din si Tatum ng 8 rebounds habang nagdagdag si Jaylen Brown ng 21 points, 8 boards at 6 assists para sa Boston, na ipinagdiwang ang ika-16 anibersaryo ng pinakahuling titulo nito sa pagkumpleto ng 16-3 playoff run.
Pinataob ng Celtics ang Los Angeles Lakers sa 2008 Finals, at pinagsaluhan ng dalawang koponan ang league record na may tig-17 championships bago ang laro noong Lunes.
Kumabig si Jrue Holiday ng 15 points at 11 rebounds at nagdagdag si Derrick White ng 14 points para sa Boston na tinapos ang best-of-seven series sa ikalawang pagkakataon.
Si Brown ang itinanghal na Finals MVP makaraang mag-average ng 20.8 points, 5.4 rebounds at 5 assists.
“It was a full team effort and I share this with my brothers and my partner-in-crime Jayson Tatum. He was with me the whole way,” pahayag ni Brown makaraang tanggapin ang award.
Si Brown ay isang three-time NBA All-Star at dating No. 3 pick sa 2016 NBA Draft.
Nanguna si Luka Doncic para sa Mavericks na may 28 points at 12 boards, subalit gumawa ng 7 turnovers. Tumapos si Kyrie Irving na may 15 points at 9 assists para sa Dallas, at tumabo si Josh Green ng 14 points.
Makaraang tumawag ang Dallas ng timeout, may 3:11 ang nalalabi sa second quarter, at naghahabol ng 11 points, tuluyang lumayo ang Boston.
Naitala ng Celtics ang 17 sa sumunod na 24 points, anim ay nagmula kay Brown. Tinuldukan ni Payton Pritchard ang outburst sa jaw-dropping fashion, isinalpak ang 49-foot heave mula sa half-court sa buzzer upang bigyan ang Boston ng 67-46 kalamangan sa break.
Isang layup ni Holiday ang nagpalobo sa kalamangan ng Celtics sa 78-52, may 9:10 ang nalalabi sa third quarter. Pagkatapos ay ipinasok ni Green ang isang putback at isinalpak ang isang 3-pointer na bahagi ng 10-2 run na naglapit sa Mavericks sa 80-62.
Kalaunan ay tinapyas ng Dallas ang deficit sa 17, subalit kinuha ng Boston ang 86-67 lead papasok sa fourth.
Lumamang ang Celtics ng hindi bababa sa 18 sa mga natitirang oras.
Tumapos ang Celtics na may 42.7 percent shooting mula sa floor. Bumuslo ang Dallas ng 44.9 percent overall subalit na-outscore ng 10 points sa foul line at gumawa ng 13 turnovers laban sa siyam ng Boston.