Matagumpay na nairaos ang taunang selebrasyon ng Tinapang Salinas Festival nitong nakalipas na Oktubre 18-19 sa bayan ng Rosario, Cavite.
Ang mga makukulay na disenyo ng kasuotan ng mga estudyante mula elementarya hanggang sekondarya na nagpakitang gilas sa pagsasayaw sa taunang kompetisyon ng Street Dance Competition ang pumukaw ng pansin sa mga tao.
Taunang dinarayo ito ng maraming turista upang saksihan ang magagarbo at kakaibang sayaw mula sa saliw ng awiting “Sali na Salinas”.
Labing apat na grupo ang lumahok sa kompetisyon na pinagwagian ng Bagbag National High School at MCDEES Elementary School. Itinanghal din ang dalawa bilang Best in Costume. Ang malalaking papremyo buhat sa lokal na pamahalaan ang siyang nagbigay sigla sa mga mananayaw upang ipakita sa manonood ang sigla ng kanilang pagsasayaw. Lahukan pa ng magagarbong disenyo na ipinarada sa kalye na animo’y nasa pagawaan ka ng tinapa.
Hindi rin magkamayaw ang mga tao sa araw ng libreng konsyerto kung saan maraming kilalang performers ang bumida sa entablado. Dinayo ito ng mga karatig-bayan.
Ang Tinapang Salinas Festival ay ipinagdiwang tuwing Oktubre sa Rosario, Cavite. Ang pagdiriwang na ito ay ipinagdiriwang upang isulong ang imahe ng bayan ng Rosario kung saan nagmula ang pinausukang isda na mas kilala sa katawagang “Tinapang Salinas”.
Sikat itong produkto sa bayan ng Rosario sa Cavite na nagdadala ng mahabang listahan ng mga benepisyo sa mga residente na kinabibilangan ng mga pagkakataon sa turismo at matatag na trabaho.
Pinapalakas ng Tinapang Salinas Festival ang katanyagan ng produkto. Isa ito sa pinakamahuhusay na desisyon na maaaring ginawa ng lokal na pamahalaan. Dahil sa taunang Tinapang Salinas Festival, na ginaganap tuwing Oktubre, mas maraming tao ang na-curious sa pinausukang isda ng bayan.
Ang iba’t ibang mga isda tulad ng galunggong, bangus, tilapia, saliñase, tamban, at lawlaw ang ilan lamang sa mga isdang ginagawang tinapang salinas.
Ang pinausukang isda ng bayan ay isa lamang sa maraming industriya sa bayan ng Rosario. Ang pangingisda ang siyang pangunahing pinagmumulan ng kita sa Rosario, Cavite dahil ang lugar na ito ay sagana sa yamang dagat dahil sa pagtatanim ng Reefbuds Artificial Coral Reef. Bukod sa Tinapang Salinas, kilala rin ang bayan sa paggawa ng daing na isda, bagoong na isda, tuyo g isda, at sarsa ng isda o patis.
Kung sakaling mapadpad ka sa Rosario anumang oras sa lalong madaling panahon, huwag kalimutang mag-uwi ng Tinapang Salinas. Maraming beses ng pinatunayan na sa bayan lamang na ito matatagpuan ang orihinal at ang pinakamasarap na tinapang salinas.
Itinuturing na ang dagat ang siyang yaman ng bawat mamamayan na kailangang ingatan at protektahan para sa kapakinabangan.
SID SAMANIEGO