IKA-2 DRUG-FREE TODA SA VALENZUELA IDINEKLARA

Rex Gatchalian

BINIGYAN ng pagkilala ng Valenzuela City government ang Balubaran-Ma­bolo TODA (BALMATODA) nang ideklara na pangalawang Drug-Free TODA bilang kooper-asyon ng transportation groups sa pakikiisa laban sa iligal na droga.

Pinangunahan ni Mayor Rex Gatchalian, kasama si Valenzuela Anti-Drug Abuse Council (VADAC) Action Officer Councilor Atty. Bimbo Dela Cruz ang ginawang parangal sa BAL-MATODA bilang “Drug-Free Workplace Policy” matapos makumpleto ang mandatory drug tests at sa patuloy na pag-iwas sa droga ng opisyal at miyembro nito.

Pinuri ni Gatchalian ang BALMATODA sa pagpapakita nito na may disiplina at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

“Hindi madaling mapasunod ang mga miyembro natin pero pinakita niyo na disiplinado ang inyong mga operators at drivers. Puwede ninyong ipagmalaki sa tao na ang lahat ng drivers ng BALMATODA ay sumusunod sa batas,” ani Mayor Rex.

Bukod sa pagkilala, nakatanggap din ang BALMATODA mula sa VADAC ng isang HD LED telebisyon na maaaring magamit sa terminal ng kanilang TODA.

Nauna rito, idineklara ng lungsod ang Tricycle Ope­rators and Drivers’ Association (VCHS-TODA) bilang unang Drug-Free TODA sa pamamagitan ng VADAC’s “Project Pogi: Pogi ako dahil Drug-Free Ako!” EVELYN GARCIA

Comments are closed.