IKA-2 GOLD NASIKWAT NI YULO SA VAULT SA BAKU

Carlos Yulo

NAGWAGI si Filipino gymnast Carlos Edriel Yulo ng isa pang gold medal — sa pagkakataong ito ay sa vault — sa Baku, Azerbaijan stop ng FIG Artistic Gymnastics World Cup Series nitong Linggo.

Umiskor si Yulo ng 14.933 points upang gapiin sina Harry Hepworth ng UK na may 14.816 at Shek Wai-hung ng China na nagtala ng 14.716.

Ito ang ikalawang gold medal finish ni Yulo sa Baku, makaraang madominahan ang parallel bars noong Sabado.

Nakalikom si Yulo ng 15.400 points sa apparatus final upang pataubin sina Illia Kovtun ng Ukraine at Bernard Cameron-Lie ng France.

Sisikapin ni Yulo na muling makapag-uwi ng medalya sa final leg ng World Cup series ngayong taon sa Cairo, Egypt sa Abril.

Sa Doha, si Yulo ay nagwagi ng gold sa floor exercise, silver sa parallel bars, at bronze sa vault.