ISA na ngayong two-time International Tennis Federation (ITF) champion sa professional tour si Filipino tennis sensation Alexandra ‘Alex’ Eala makaraang makopo ang W25 Chiang Rai title sa Thailand nitong Linggo kontra home bet Luksika Kumkhum, 6-4, 6-2.
Naunang nadominahan ni Eala ang W15 Manacor tournament noong 2021.
Sa panalo ay nakabawi rin si Eala sa matamlay na simula ngayong taon. Bago ang Thailand tournament, ang 16-year-old netter ay sunabak sa anim na torneo ngunit ang kanyang pinakamatikas na pagtatapos ay ang second round appearances sa W60 Grenoble at W25 Joue les Tours.
Si Eala ay naglaro rin sa Miami Open subalit maagang nasibak nang yumuko kay American bet Madison Brengle sa opening round ng main draw.
Sa kanyang latest victory ay mag-uuwi si Eala ng $25,000 na prize money.