IKA-2 SEMIS BERTH PAG-AAGAWAN NG LADY PIRATES, LADY ALTAS

Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
8:30 a.m. – LPU vs Perpetual (Men)
12 noon – LPU vs Perpetual (Women)
2 p.m. – JRU vs EAC (Women)
4:30 p.m. – JRU vs EAC (Men)

ASAM ng Lyceum of the Philippines University, determinadong makabawi sa heartbreak noong nakaraang season, ang breakthrough Final Four berth sa pagharap sa University of Perpetual Help System Dalta sa NCAA women’s volleyball tournament ngayon sa San Andres Sports Complex.

Habang ang Lady Altas ay magtatangkang makabalik sa Final Four makaraang hindi makapasok noong nakaraang taon, ang Lady Pirates ay gagawin ang lahat para makopo ang kanilang kauna-unahang semifinals appearance magmula nang lumahok sa liga noong 2011 sa 12 noon match.

Ang mananalo ay magkakaroon din ng pagkakataong makalapit sa pagkuha ng bye bilang No. 2 team sa stepladder phase sakaling dumiretso ang College of Saint Benilde sa Finals via nine-match sweep sa eliminations.

Tangan ng back-to-back title-seeking Lady Blazers ang perfect 8-0 record. Maaaring agad umusad ang Benilde sa best-of-three championship series sa panalo kontra also-ran Jose Rizal University sa Linggo.

Sakaling ipatupad ang stepladder format, ang third at fourth-ranked teams ay maghaharap sa do-or-die match, kung saan ang magwawagi ay makakabangga ng second-ranked squad sa isa pang knockout duel.

Ang LPU ay may 6-2 record katabla ang walang larong Mapua sa third place, kalahating laro

lamang sa likod ng 6-1 record ng Perpetual. Ang dalawang koponan ay kapwa may 18 points sa unang tiebreaker ng liga, subalit ang Lady Altas ay may mas mataas na set ratio (18-6) kaysa Lady Pirates (20-10) sa ikalawang tiebreaker.

May natutunang leksiyon mula sa mga pagkukulang noong nakaraang taon, ang LPU ay determinadong makarating sa Final Four na naging mailap sa mga nakalipas na taon.

“’Yung mga bata unti-unti silang nade-develop maturity and kumpiyansa na kaya nilang gawin yung mga bagay na ini-ensayo nila,” sabi ni second-year Lady Pirates coach Cromwel Garcia.

Ang LPU ay nanalo rin sa kanilang huling tatlong laro, salamat sa brillant efforts ni Joan Doguna sa naturang run.

“Pinaka-mindset lang niya talaga is mag-perform. I-enjoy lang yung pinaghirapan niya noong off-season,” pahayag ni Garcia patungkol kay Doguna.

Pangungunahan ni Mary Rhose Dapol, ang second leading scorer sa liga sa likod ni Benilde’s Gayle Pascual, ang Perpetual, na nasa three-match winning streak din.