IKA-2 SUNOD NA BUZZER-BEATER KAY DEROZAN

SA IKALAWANG sunod na gabi ay kumana si DeMar DeRozan ng game-winning, buzzer-beating 3-pointer upang tampukan ang come-from-behind, 120-119  win ng Chicago Bulls kontra host Washington Wizards nitong Sabado.

Inudyukan ni Coby White ang sideline inbounds pass kay DeRozan, may 3.3 segundo ang nalalabi. Makaraang matakasan ang kanyang defender ay nagpakawala si DeRozan ng double-clutching 3-pointer na pumasok.

Pinangunahan din ni DeRozan ang panalo ng Bulls noong Biyernes sa Indiana sa pamamagitan ng running 3-pointer sa buzzer. Siya ang unang player sa kasaysayan ng NBA na nakapagsalpak ng game-winning buzzer-beaters sa magkasunod na araw.

Si DeRozan ay isa sa apat na Bulls na umiskor ng hindi bababa sa 20 points, na may 28. Nagtala si Nikola Vucevic ng double-double na 22 points at 12 rebounds, Bumuslo si White ng 4-of-8 mula sa 3-point range tungo sa 20 points at pinangunahan ni Zach LaVine ang lahat ng scorers na may 35 points.

WARRIORS 123,

JAZZ 116

Umiskor si Stephen Curry ng 28 points, nagbigay ng 9 assists at binura ang isa pang  NBA record upang pangunahan ang bisitang Golden State sa panalo laban sa Utah sa Salt Lake City.

Nagsalpak si Curry ng 6-of-12 mula sa 3-point area upang burahin  ang kanyang sariling NBA record sa pagkamada ng 3-pointer sa ika-158 sunod na laro. Gumawa si Curry ng 12 points sa fourth quarter nang burahin ng Warriors ang eight-point deficit — makaraang masayang ang second-half 16-point lead — upang madominahan ang  Jazz.

Kumubra si Andrew Wiggins ng 25 at nagdagdag si Otto Porter Jr. ng 20 para sa  Warriors, na naglaro na wala si Draymond Green (health and safety protocols).

Nanguna si Rudy Gobert para sa Jazz na may 20 points at 19 rebounds, habang tumipa rin sina Donovan Mitchell, Bojan Bogdanovic at Jordan Clarkson ng tig- 20.

BUCKS 136,

PELICANS 113

Naitala ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang ikalawang  triple-double sa season nang gapiin ng Milwaukee ang bisitang New Orleans upang palawigin ang kanilang  win streak sa anim na laro.

Tumapos ang five-time All-Star na may 35 points sa 12-of-18 shooting, na sinamahan ng  16 rebounds at 10 assists. Nagdagdag si reserve Jordan Nwora ng 23 points, Nag-ambag si Jrue Holiday ng 21 at kumabig si Grayson Allen ng 16 sa pagliban ni Khris Middleton.

Nanguna si Jaxson Hayes para sa Pelicans na may career-high 23 points. Tumirada si Josh Hart ng triple-double na 14 points, 11 rebounds at 9 assists.

CLIPPERS 120,

NETS 116

Isinalpak ni Justise Winslow ang go-ahead basket, may 63 segundo ang nalalabi, at humabol ang Los Angeles sa huling sandali para malusutan ang isa pang triple-double ni James Harden at makopo ang panalo kontra host Brooklyn.

Binura ng Clippers ang 13-point deficit nang ma-outscore ang Brooklyn, 28-11, sa huling  5:57. Dalawang beses nilang naitabla ang talaan bago kinuha ang 14-113 kalamangan sa cutting layup ni Winslow na sinundan ng sablay na 3-point try ni Harden.

Naitala ni Eric Bledsoe ang 10 sa kanyang season-high 27 points sa fourth quarter para sa Clippers na nanalo sa ikatlong pagkakataon pa lamang sa siyam na laro.

Si Harden ay naging unang player sa franchise history na may magkasunod na triple-doubles na hindi bababa sa 30 points. Tumapos si Harden na may  34 points, 13 assists at 12 rebounds para sa kanyang ikatlong  triple-double sa apat na laro buhat nang bumalik mula sa health and safety protocol.

NUGGETS 124,

ROCKETS 111

Nagposte sina Nikola Jokic at Facundo Campazzo ng double-doubles nang dispatsahin ng kulang sa taong Denver ang Houston.

Nakalikom si Jokic ng 24 points at 11 rebounds habang kumamada si Campazzo ng career-high 22 points at 12 assists para sa Nuggets, na hindi nakasama ang walong players — apat ang na-sideline ng health and safety protocols ng liga.