IKA-2 SUNOD NA D-LEAGUE CROWN NATUDLA NG ARCHERS

PINATAOB ng EcoOil-La Salle ang Marinerong Pilipino-San Beda, 89-74, upang pagharian ang PBA D-League Aspirants’ Cup sa ikalawang sunod na taon kahapon sa Ynares Sports Arena.

May Finals average winning margin na 20.5 points, winalis ng Green Archers ang best-of-three series, 2-0.

Isa itong dominating playoff run para sa EcoOil-DLSU, na ginapi ang University of Perpetual Help System Dalta sa semifinals sa average na 23 points.

“We’re just really happy with how these guys performed throughout the tournament. ‘Yung core namin (from last championship), andito pa rin naman but what’s big here is the maturity of the guys,” wika ni assistant coach Gian Nazario.

Ang Game 2 results ang pinakamalapit ng Green Archers sa playoffs, kinailangan ng malaking third quarter breakaway upang biguin ang pagtatangka ng Red Lions na maipuwersa ang decider.

Abante ang EcoOil-DLSU sa 39-30 nang bumanat ang Marinero-San Beda ng 12-1 rally, sa pangunguna ni JV Gallego na naitala ang lahat ng kanyang siyam na puntos sa run, tampok ang malaking tres para sa 42-40 kalamangan.

Tangan ang 43-42 lead sa break, kumana ang Green Archers ng 14-4 run na tinampukan ng three-pointer ni Francis Escandor para sa 57-46 bentahe sa 5:39 mark ng third period at hindi na nakabawi pa ang Red Lions mula roon.

“We expected the San Beda fightback. We told the team we cannot skip steps. ‘Di dapat namin isipin na champion agad. Most were expecting a blowout but we did not. We needed 40 minutes and we’re happy that the boys responded,” sabi ni Nazario.

Itinanghal si Kevin Quiambao, pinangunahan ang EcoOil-DLSU na may 26 points, kabilang ang 15 sa first half, 10 rebounds at 2 assists, bilang Aspirants’ Cup MVP.

Tumapos si Evan Nelle na may 16 points, 7 assists, 6 steals at 5 assists habang nagdagdag sina Mark Nonoy at Mike Phillips ng 14 at 12 points, ayon sa pagkakasunod, para sa EcoOil-DLSU.

Kumubra si Yukien Andrada ng 15 points, 5 rebounds at 3 assists habang umiskor sina James Payosing at Damie Cuntapay ng tig-12 points para sa Red Lions.

Ito ang ikalawang sunod na D-League runner-up trophy ng Marinero, na siyang pinakamatikas na pagtatapos ni coach Yuri Escueta magmula nang hawakan ang San Beda noong nakaraang taon.

Iskor:
EcoOil-DLSU (89) – Quiambao 26, Nelle 16, Nonoy 14, Phillips M. 12, Escandor 6, Austria 6, Gollena 4, David 4, Phillips B. 1, Nwankwo 0, Manuel 0, Cortez 0.

Marinero-San Beda (74) – Andrada 15, Payosing 12, Cuntapay 12, Gallego 9, Cortez 8, Alfaro 8, Puno 4, Royo 2, Tagle 2, Visser 2, Jopia 0, Alloso 0.

QS: 27-20, 43-42, 70-58, 89-74.