PATULOY ang pagsungkit ng ginto ni Filipino pole vaulter EJ Obiena nang muling maghari sa Germany makaraang dominahin ang St. Wendel City Jump noong Miyerkoles, August 31.
Na-clear ng Pinoy Olympian ang 5.86 meters upang magtala ng bagong meet record at makopo ang kanyang ikalawang sunod na gold sa Germany kasunod ng panalo sa True Athletes Classics sa Leverkusen noong Linggo.
Noong nakaraang linggo ay nagwagi rin si Obiena ng gold sa Internationales Stabhochsprung-Meeting sa Jockrim.
Sinundan niya ito ng bronze finish sa Lausanne Diamond League sa Switzerland, kung saan pumuwesto siya sa likod nina Tokyo Olympics champion Armand Duplantis ng Sweden at runner-up Chris Nilsen ngbUnited States.
Tinangka ng Asian record holder na si Obiena na ma-reset ang kanyang marka na 5.94m sa pagtalon sa 6.0m subalit nabigo sa lahat ng kanyang tatlong attempts.
Nakopo ni Menno Vloon ng Netherlands ang silver na may clearance na 5.81m, kung saan tinalo niya si Anthony Ammirati ng France sa second place via countback.
Target ni Obiena ang ikatlong sunod na gold medal sa pagsabak sa isa pang leg ng Diamond League sa Memorial van Damme sa Brussels, Belgium sa Biyernes.
Babalik siya sa Germany para sa ISTAF Berlin sa Linggo, September 4.