OPISYAL na idineklara ni Rep. Abaraham ‘Bambol’ Tolentino ang kanyang intensiyon na kumandidato para sa full four-year term bilang presidente sa pagdaraos ng Philippine Olympic Committee (POC) ng eleksiyon sa Nobyembre 27.
“Hindi naman natin itinatago, definitely I will run for president,” pahayag ni Tolentino sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online Forum kahapon.
“Hindi naman full term ‘yung tinakbuhan ko. I just ran to fill up the gap when Mr. (Ricky) Vargas resigned,” dagdag ng POC chief, na siya ring presidente ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling).
Ang pagsusumite ng kandidatura ay magsisimula sa Oktubre 1.
Si Tolentino ay nagwagi laban kay athletics chief Dr. Philip Ella Juico ng apat na boto, 24-20, sa special elections na ipinag-utos ng International Olympic Committee (IOC) noong Hulyo 28 ng nakaraang taon makaraang mag-resign si Vargas, head ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).
Ang pagkakahalal kay Tolentino ay nagbigay sa kanya ng 16 na buwan lamang para magsilbi na wala pa sa kalahati ng itinatakdang full four-year term.
Subalit naging maganda ang performance ni Tolentino nang madominahan ng Filipinas ang 30th Southeast Asian Games na hinost ng bansa noong nakaraang Disyembre sa ilalim ng kanyang termino.
“Hindi naman sa nagbubuhat ng bangko pero nakita ninyo naman ang nagawa natin. Much more if it would be a complete term,” anang POC head.
“I was the sole author of 56 sports and how many events in the Southeast Asian Games, kung paano ako nakipag-one-on-one sa mga NSA (National Sports Associations),” dagdag pa niya. “So, sa sports community ang tanong, ‘may nai-contribute ba ako?,’ It’s for them to find out.”
Kalaunan ay naudyukan si Tolentino na isiwalat ang dalawa sa kanyang running mates – Al S. Panlilio ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa 1st vice president, at Ormoc City Mayor Richard Gomez ng modern pentathlon para sa 2nd vice president.
Maliban sa dalawa ay tumanggi si Tolentino na pangalanan ang kanyang kumpletong ticket.
“That’s all I can reveal for now,” ayon sa mambabatas na inaasahan ang one-on-one battle para sa presidency laban kay archery’s Clint Aranas, ang dating Government Service Insurance System (GSIS) chairman, na nauna nang nagdeklara ng kanyang kandidatura.
Ang POC elections, ayon kay Tolentino, ay magiging isang face-to-face exercise hindi tulad sa POC General Assembly noong nakaraang buwan na isinagawa sa pamamagitan ng virtual meeting sa gitna ng iCOVID-19 pandemic.
“We intend to hold the elections in a hotel ballroom or restaurant that, say, could accommodate 2,000. That way, we are not violating health protocols,” aniya.
Comments are closed.