INANGKIN ni Novak Djokovic ang US Open noong Linggo makaraang pataubin si Daniil Medvedev, 6-3, 7-6, 6-3, sa men’s final upang hilahin ang kanyang record grand slam singles titles sa 24.
Sa panalo noong Linggo ay sinementuhan ng world No. 2 ang pagiging isa sa “greatest tennis players”, kung saan napantayan niya ang record ni Margaret Court para sa pinakamaraming all-time grand slam titles.
Sa rematch ng 2021 US Open final, naiganti ng Serbian ang kanyang pagkatalo kay No. 3 seed Daniil Medvedev sa Arthur Ashe Stadium sa New York upang makumpleto ang matagumpay na pagbabalik sa United States.
Sa panalo, ang 36-year-old ay naging pinakamatandang nagwagi ng US Open singles title sa Open era at ang unang nanalo ng tatlong grand slam titles sa isang season sa ika-4 na pagkakataon – ang tatlong una ay noong 2011, 2015 at 2021.
Nahila rin ni Djokovic ang kanyang kalamangan kina Spaniard Rafael Nadal (22) at Switzerland’s Roger Federer (20) para sa pinakamaraming men’s singles titles.
Ang Serb ay magkakaroon ng pagkakataon na malagpasan si Court at tanghaling all-time winningest player sa Australian Open sa January 2024.