(Ika-27 taon ng PhilHealth:) Lumalaban sa mga pagsubok. Hindi natitinag sa anumang hamon.

Ipinagdiriwang ng Philippine Health Insurance Corporation ang ika-27 taon ng kanilang pagkakatatag alinsunod sa Republic Act 7875, as amended, na isinabatas noong Pebrero14, 1995.

Ang tema ng selebrasyon sa taong ito ay “PhilHealth, Tumutugon sa Hamon ng Panahon” upang ipakilala sa madla ang katatagan ng PhilHealth sa iba’t-ibang pagsubok lalo na sa hamon na dala ng kasalukuyang pandemya; at ang patuloy na pagsusumikap nito na mabigyan ang bawat Filipino ng sapat na proteksiyong pinansiyal laban sa magastos na pagkakasakit.

PhilHealth at COVID-19

Ang pandemya na COVID-19 ay nagdulot ng pagsasara ng maraming negosyo at malawakang pagkawala ng trabaho at pinagkakakitaan ng maraming Filipino.

Gayunpaman, nagbigay ng malaking kapanataganang PhilHealth sa mga kababayan nating nahawa at nagkasakit ng COVID-19. Bilang kabahagi ng ating Pamahalaan sa pangkalahatang laban sa pandemya, nagpalabas ito ng benefit packages para sagutin ang malaking bahagi ng gastos sa testing, facility-based at home isolation, hanggang sa pagpapagamot. Naglabas din ito ng vaccine injury compensation package sakaling makaranas ng masamang epekto ang sinoman na nabakunahan laban sa COVID-19.

Mula nang pumutok ang pandemya noong pasimula ng 2020 hanggang January 22, 2022, ang PhilHealth ay nakapagbayad ng mahigit sa 7 milyon COVID claims na nagkakahalaga ng P36.8 bilyon, kung saan P22.2 bilyon dito ay para sa COVID testing, P13.7 bilyon naman ay sa hospitalization claims, samantalang ang P939.8 milyon ay para sa community isolation claims.

Matapang na pag­harap sa pandemya

Dahil tapat sa mandato nito na iseguro ang kalusugan ng bawat Filipino tulad ng isinasaad sa Universal Health Care Law, ang PhilHealth ay nagpatuloy sa pagbibigay ng serbisyo sa lahat ng mga miyembro, partners at stakeholders sakabila ng mga limitasyon bunsod ng lockdowns. Ito ay sa kabila na marami rin sa mga kawani nito ang sumailalim sa quarantine, nagpagamot at ang iba ay nasawi pa dahil sa COVID-19. Ito ay sa kabila rin ng iba’t-ibang usapin na nakaapekto sa morale ng hanay nito sa buong bansa.

Sa kabila ng lahat ng ito, ang PhilHealth ay hindi tumalikod sa kanyang misyon kung ang pag-uusapan ay pagbabayad ng benefit claims sa mabilis na pamamaraan. Nabawasan man ang dami ng empleyado na pumapasok sa mga tanggapan dahil sa quarantine restrictions, tuloy ang pagpoproseso at pagbabayad ng claims alinsunod sa mga regulasyon at panuntunan.

Batay sa datos, simula 2020 hanggang Enero 22, 2022 ay nakapagbayad ang PhilHealth ng kabuuang P162.6 bilyon para sa 18.5 milyon COVID at non-COVID claims mula sa iba’t-ibang ospital at pasilidad sa buong bansa.

Pinabilis na pagba­bayad sa health facilities

Upang makatugon sa hiling ng mga ospital na pabilisin ang pagbabayad ng COVID claims nang hindi na kokompromiso ang alin mang batas, ipinatupad ng PhilHealth ang Debit-Credit Payment Method (DCPM) noong 2021.

Sa DCPM ay mabilis na nakapagbabayad at nakapagbibigay ng kinakailangang pondo ang ahensiya sa mga health care partners nito. Ang DCPM ay nasa third wave na sa ngayon para sa mga ospital na gumagamot sa mga pasyenteng may COVID-19 sa buong kapuluan. Batay sa pinakahuling datos (January 20, 2022), nakapaglabas na ang PhilHealth ng P12.48 bilyon sa 464 ospital na nag-apply sa DCPM.

Ang DCPM ay isa lamang sa mga positibong resulta ng tuloy-tuloy na pakikipag-usap ng PhilHealth sa mga partner hospitals nito.

Walang patid na pagseserbisyo

Upang makatugon ang PhilHealth sa serbisyong kinakailangan ng mga miyembro na limitado ang paglabas dahil sa pandemya, inilunsad nito ang Member Portal na isang napapanahong inobasyon kung saan maaaring ma-access ng miyembro ang kanilang membership at contribution records, at mag-download ng Member Data Record kahit saan at kahit kailan gamit ang kanilang smart phones o laptop.

Sa nasabing Portal ay maaari ring makapagbayad ng contributions ang self-paying members gamit ang kanilang credit card, debit card o sa GCash.

Ang Corporate Action Center (CAC)naman ng PhilHealth ay patuloy na naglingkod sa mga miyembrong may mga katanungan o hinaing sa kanilang benepisyo sa kabila ng manipis na hanay ng agents. Bukod sa automated voice response para sa karaniwang katanungan, naglunsad ito ng Callback Channel (0921-630-0009) kung saan ang mga miyembro ay maaaring mag-text ng kanilang tanong at sila ay tatawagan ng PhilHealth agents sa loob ng 72 oras. Mahigit sa 35,000 tawag ang natanggap at natugunan ng CAC sa taong 2021.

Sa pagdiriwang ng ika-27 taong anibersaryo at bilang pagtanaw sa susunod na 27 taon ng pagseserbisyo, patuloy itong magiging tapat sa kanyang mandato na paglingkuran ang bawat Filipino na nangangailangan ng tulong pinansiyal sa kanilang pagpapagamot.

Pangako ng PhilHeath ang patuloy na pagtugon sa lumalawak na pangangailangang pangkalusugan ng mahigit sa 110 milyong miyembro sa bansa at sa iba’tibang panig ng daigdig.

Hindi titigil ang PhilHealth na tumugon sa anumang hamon ng panahon.