IKA-3 ITF CROWN NASIKWAT NI EALA

Alex Eala

NAKOPO ni No. 2 seed Alex Eala ang kanyang ikatlong professional title sa International Tennis Federation (ITF) Tour sa pamamagitan ng 6-3, 7-5 panalo kontra Valentina Ryser ng Switzerland sa W25 Yecla final nitong Linggo sa Spain.

Ang W25 Yecla crown, ang unang championship sa season para sa 18-year-old, ay kasunod ng kanyang tagumpay sa 2022 W25 Chiang Rai sa Thailand at sa 2021 W15 Manacor sa Spain.

Sa outdoor hard court ng Yecla Club de Tenis, naging matikas ang simula ng WTA World No. 266 na si Eala sa pagkuha ng 3-0 lead laban sa kanyang 22-year-old opponent.

Tungo sa pagkopo ng kanyang ikatlong ITF title, nalusutan ni Eala sina World No. 583 Katy Dunne ng Great Britain sa first round, 7-5, 2-6, 6-2, at World No. 585 qualifier Nahia Berecoechea ng France sa second round, 3-6, 6-1, 6-1.

Nagmartsa ang Rafa Nadal Academy scholar sa quarterfinals kontra Victoria Rodriguez of Mexico, 6-1, 6-3, bago naitala ang 6-3, 5-7, 6-4 panalo sa semifinals laban kay World No. 906 qualifier Lucia Peyre ng Argentina.