KINUMPIRMA kahapon ng Department of Health (DOH) na naitala na nila sa Flipinas ang ikatlong kumpirmadong kaso ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, na ang ikatlong pasyente ng virus na natukoy sa bansa ay isang 60-anyos na babaeng Chinese national na mula rin sa Wuhan City, Hubei Province sa China.
Ayon kay Domingo, dumating ang dayuhan sa Cebu City, mula Wuhan, via Hong Kong noong Enero 20, at kinabukasan, Enero 21, ay dumiretso sa Bohol.
Noong Enero 22 naman ay hindi na umano maganda ang pakiramdam ng pasyente kaya’t nagpakonsulta umano ito sa isang pribadong pagamutan sa Bohol dahil sa lagnat at sipon.
Kaagad umano itong ini-admit ng nasabing araw at kinuhanan ng samples ng mga doktor noong Enero 23 at 24.
Nabatid na negatibo sa virus ang resulta ng pagsusuri sa Australia at Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa sample ng pasyente na kinuha noong Enero 24 kaya’t nang makarekober ang pasyente ay pinalabas na ito ng pagamutan at pinayagang makauwi sa China noong Enero 31.
Gayunman, nitong Pebrero 3, nakatanggap ng notipikasyon ang DOH mula sa RITM na ang unang sample na kinuha sa pasyente noong Enero 23, ay nagpositibo sa nCoV, kaya’t itinuring ang pasyente na ikatlong confirmed nCoV case sa Filipinas.
“The DOH confirms that the samples from a 60-year old female Chinese patient under investigation (PUI) tested positive for 2019 novel coronavirus acute respiratory disease. She’s the third confirmed 2019 nCoV ARD case in our country,” ayon kay Domingo.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Domingo na kasalukuyan na silang nagsasagawa ng contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng naturang pasyente noong ito ay nasa Filipinas pa upang maisailalim sila sa pagsusuri at matiyak na hindi sila nahawahan ng virus.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga local government units (LGUs) at concerned agencies upang mapabilis ang isinasagawa nilang contact tracing.
Una nang iniulat ng DOH na may magnobyong Chinese na mula sa Wuhan ang nagpositibo rin sa nCoV.
Ang unang confirmed nCoV case ay ang 38-anyos na babaeng Chinese na kasalukuyan pang naka-confine sa San Lazaro Hospital at mabuti na ang karamdaman, subalit ang nobyo nito na siyang ikalawang confirmed nCoV case ay iniulat na binawian na ng buhay noong Pebrero 1 matapos na dumanas ng severe pneumonia, at ang bangkay nito ay nakatakdang ipa-cremate upang matiyak na patay na ang virus sa kanyang katawan at hindi na makakahawa pa ng iba.
Samantala, iniulat na rin ng DOH na hanggang 12:00 ng tanghali ng Pebrero 5 ay umabot na sa 133 ang itinuturing na PUI sa nCoV virus.
Ayon kay Domingo, sa naturang bilang ay 115 ang kasalukuyang naka-admit sa iba’t ibang pagamutan at naka-isolate, habang 16 naman ang pinayagan nang makalabas ng pagamutan ngunit under strict monitoring pa rin. Ang dalawa pa sa PUI ay matatandaang binawian na ng buhay.
Nabatid na sa naturang 133 PUI, 63 ang Pinoy, 54 ang Chinese at ang iba pa ay may iba’t ibang nasyonalidad naman.
Ang 32 umano sa mga PUI ay mga dayuhang direktang bumiyahe sa Wuhan patungo sa Filipinas, habang ang mga Pinoy naman ay mga biyahero sa Hong Kong at iba pang lugar na may confirmed nCoV cases, habang ang iba ay mga nagkaroon naman close contact sa mga confirmed nCoV cases.
Iniulat ni Domingo na may 203 nang contacts ng confirmed nCoV cases ang natukoy ng mga tauhan ng Epidemiology Bureau.
Sa naturang 203 contacts, 188 ang pinayuhan lamang na mag-home quarantine matapos na hindi makitaan ng sintomas ng sakit, samantalang 15 naman ang symptomatic o nakitaan ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo at sipon.
Sa 15 contacts naman na symptomatics, ay 14 na ang kasalukuyang naka-admit at isolated ngunit may isa pa ang hindi naa-admit at nagpapatulong na aniya sila sa LGUs upang mai-admit ito.
Sa kabilang dako, hinihikayat naman ng DOH ang mga pasahero ng Cebu Pacific flight no. 5J-241 na mula Hong Kong patungong Cebu noong Enero 20 at 21, 2020, gayundin sa Cebu Pacific flight no. DG-6159 mula Cebu hanggang Dumaguete noong Enero 1, 2020 at Philippine Airlines (PAL) flight no. PR-2542 mula Dumaguete hanggang Manila noong Enero 25, 2020, na kaagad na makipag-ugnayan sa mga kinatawan ng DOH upang maisailalim sila sa assessment.
Ayon kay Domingo, sakaling hindi sila matawagan ng DOH representative ay makabubuting kusa na lamang silang makipag-ugnayan sa kanilang regional office upang masuri ang kanilang kondisyong pangkalusugan at matiyak na hindi sila dinapuan ng nCoV virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ