Ika-3 medalya ng Pinas sinelyuhan: ARMENIAN FOE KO KAY MARCIAL

SELYADO na ang tatlong Olympic medals para sa Pilipinas.

Ito ay makaraang pabagsakin ni Eumir Marcial si Arman Darchinyan ng Armenia sa quarterfinal round ng men’s middleweight division sa 2020 Tokyo Olympics Linggo sa Kokugikan Arena.

Sa panalo ay nakasisiguro na ang Pinoy pug ng bronze medal.

Sa pagtunog pa lamang ng opening bell ay pinatikim na agad ni Marcial ang kanyang bangis sa kanyang Armenian foe.

Sa kalagitnaan ng first round, pinaulanan ng Pinoy ng suntok si Darchinyan, dahilan para bigyan siya ng referee ng standing eight count. Nagpatuloy sa laban ang Armenian boxer, subalit kaunti na lamang ang natira niyang lakas.

Naitala ang knockout sa huling 50 segundo ng round matapos na kumonekta si Marcial ng two-punch combination ng kanyang solid right hook na tumama sa ulo ni Darchinyan.

Tinulungan pa ng referee si Darchinyan na makatayo habang nagtatatalon sa tuwa si Marcial dahil batid niyang sigurado na siya sa bronze medal finish sa Tokyo.

Umabante si Marcial sa semifinals kung saan makakasagupa niya si 2017 world champion Oleksandr Khyzhniak ng Ukraine sa August 5 , alas-2:03 ng hapon (Philippine time).

Sa kanyang unang laban sa Round of 16 noong nakaraang July 29 ay pinabagsak

din ni Marcial si  Younes Nemouchi ng Algeria.

Ang Pinoy boxer ay nakakuha ng bye sa Round of 32.

Ang dalawang iba pang podium finishes para sa Pilipinas sa makasaysayang Tokyo Olympics campaign ay sina  weightlifter Hidilyn Diaz, na nakopo ang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa makalipas ang 97 taon, at boxer Nesthy Petecio, na nakasisiguro na sa silver medal finish makaraang magwagi sa kanyang semifinal bout noong Sabado. CLYDE MARIANO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *