IKA-3 SONA NI PANGULONG RODRIGO R. DUTERTE MULA SA PUSO

SONA-DUTERTE

INAABANGAN ang magiging ikatlong Pag-uulat sa Bayan o State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong araw sa Plenary Hall ng Batasang Pambansa Complex sa Batasang Hills, Quezon City.

Ang SONA ng sinumang nakaupong Pa­ngulo ay maririnig tuwing ikaapat na Lunes ng Hul­yo at dito rin malalaman kung natupad ng Pangulo ang kaniyang inilatag na prog­rama sa nakaraan niyang pag-uulat o noong isang taon.

Ang nasabing schedule ng SONA ng Pangulo ng Filipinas ay alinsunod sa 1987 Constitution, at dito rin tapat na ihahayag ng Punong Ehekutibo ang tunay na lagay ng bansa, mula sa ekonomiya, usa­pin sa politika, at seguridad ng mamamayan (social condition).

REPORT CARD AT GRADO

Dahil inaasahan ang pag-uulat sa naganap sa loob ng isang taon na ang tawag ng iba ay “report card”, ang taumbayan naman ang nagbibigay ng grado sa Pangulo.

Sa kasaysayan ng politika sa Filipinas, laging bukas ang opin­yon ng lahat dahil ito ang bisa ng pagiging demokrasya na anyo ng gobyerno.

Ang PILIPINO Mir­­ror, partikular ang ma­­nunulat na ito, ay na­naliksik sa pulso ng taumbayan at personal na nagtanong ng 10 katao na nakasalubong lamang hinggil sa masasabi nila sa dalawang taong panunungkulan ng Pangulong Duterte.

“Para sa akin, panalo tayo kay Pangulong Duterte dahil marami na siyang nagawa lalo na sa aming mga senior citizen dahil tumaas ang pension namin sa SSS,” ayon kay Lolo Budz, 63-anyos ng Quezon City, na sangkot sa direct selling.

“100 percent aprub sa akin si PDigong kasi nabawasan ang krimen sa lugar namin,” ayon naman kay Ronnie ng Tondo, Manila.

“Okay po sa akin si Pangulong Duterte kasi hindi na kami natatakot sa kalsada na baka may manghablot ng cellphone at iba pang gamit namin,” ayon kay Tina, estudyante ng University of Manila.

“Kaunti pang push siguro mapapabilib na niya ako, problema kasi apektado ang pagtitinda namin dito sa bangketa”  ayon naman kay Mang Hilario, street vendor sa Sta. Cruz, Maynila.

“Wala akong maisip pa, e, okay naman si­guro,” sabi ni Aling Vicky, konduktora ng bus.

“Magaling-magaling, nabawasan ang tambay rito sa amin,” tindera sa palengke sa Pritil, Tondo, Maynila.

“Pare-pareho lang naman silang nakaupo diyan, pero bigyan natin ng benefit of the doubt ang president, saka ramdam naman ng lahat na medyo nabawasan ang mga magnanakaw at holdaper,” Mang Carlito, taxi driver.

“Parang bumalik ang mga drug pusher nang mawala si Bato, pero sa akin ayos (okay) si Presidente,” sabi naman ni Mang Abet, jeepney driver.

“‘Yun pong endo hindi pa po natutupad e, pero sana sa mga susunod na panahon, magkatotoo para ma-regular na rin ako,” Ana, saleslady.

“Down to earth ang Pangulo at tinutupad niya ang mga pangako sana ituloy niya ang pagtugis sa mga drug addict at drug pusher,” Aling Lydia, tindera sa Maricaban, Pasay City.

35 MINUTO NA SPEECH, POSIBLENG ADLIB (IMPROMPTU)

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na aabutin lamang ng 35 minuto ang talumpati ng pangulo.

Itinuturing na isa ring pagbabago sa anyo ng SONA ang pahayag na hindi na iuulat ng Pangulo ang kaniyang nagawa sa panunungkulan.

Una nang sinabi ni Roque na ayaw nang ipagyabang ng Pangulo ang mga nagawa dahil kung anuman ang achievement ng gob­yerno ay naihayag na sa Pre-SONA kung saan ang miyembro ng gabinete ang nag-report  kamakailan.

“Hindi ugali ng tatay ko ang purihin ang kaniyang sarili at mga ginawa, kaya walang aasahang pag-uulat ng kaniyang accomplishment,” ayon naman kay Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio.

Kung anuman aniya ang maririnig sa Pangulo ngayong araw ay mula ito sa isip at puso, kaya kaniya itong tutuparin at mararamdaman na lamang ng taumbayan.

TATAK NG PAGBABAGO

Bago ang SONA ngayong araw ay nagkaroon na ng Pre-SONA noong Hulyo 18 kung saan may tema ito na “Tatak ng Pagbabago”.

Nilalayon ng Duterte administration na magkaroon ng lasting peace sa dating kalaban ng estado na Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bansamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at bilang patunay para sa sinserong pagsusulong ng kapayapaan ay nakaapak na sa kauna-unahang pagkakataon sa Camp Aguinaldo si MILF Vice Chairman Ghadzali Jaafar  at Bangsamo Islamic Armed Forces Chief of Staff, Sammy Al Mansour para sa Bangsamoro Basic Law o Bangsamoro Organic Law.

HATOL NG MASA 

MARAWI-MARTIAL LAWLamang ang positi­bong nagawa ng Pangulo sa nakalipas na taon, una rito ang matalinong desisyon sa deklarasyon ng martial law sa Marawi City nang atakihin ito ng Maute-ISIS inspired group na umabot ng limang buwan ang bakbakan.

Hindi nagpadala ang Pangulo sa kritiko ng martial law at nanindigan na tama ang naging hakbang.

Sa sektor ng paggawa

Iniulat ni Labor Secretary na dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin na ang endo o contractualization, umabot sa 321,964 na manggagawa ang na-regular habang panibagong 300,000 ang mare-regular.

Naitatag ang 18-One-Stop Service Centers para sa overseas Filipino worker (OFW) habang mayroon ding P1,150 across the board increase sa monthly pension ng employees’ compensation, permanent disabilitiy pensioners at sa qualified beneficiaries sector.

TUMUGON SA KARAHASAN SA OFW

Nanindigan din si Pangulong Duterte sa kanyang posisyon nang ideklara ang total ban deployment sa Kuwait nang matagpuan ang labi ni Joana Demafelis na iniwan sa loob ng freezer at iba pang kaso ng pagmamaltrato sa mga domestic helper.

Bagaman na-lift na ang total ban deployment patunay ito na sinsero ang Pangulo na isa siyang “shoulder to cry on” at handang tumulong.

DRUG WAR PARA PROTEKSIYONAN ANG MAMAMAYAN

DRUG-WARConsistent din ang Pangulo sa paglaban niya sa droga dahil ito ang sisira sa kinabukasan ng lahat at ito rin ang sanhi ng karahasan.

Bagaman ilang beses nang tinutulan at tinuligsa, nagpatuloy ang paglaban sa droga at sa katunayan, sa report ng Philippine National Police, sa inilabas ng RealNumbersPh na petsa mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, nadagdagan ng 3.16% o 102, 630 ang Anti-drug Operations.

Tinatayang 147,802 na drug personalities naman ang naaresto. Ito ay 3.12% na pagtaas ng bilang ng mga nasukol ng pulisya at kasalukuyang nakapiit at ang tinata­yang 4,354 naman ay bilang ng mga namatay sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

MGA BANDIDO AT REBELDE NAGSISUKO

Sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nagpapatuloy ang pagsuko ng mga kalaban na rebelde, maging ang New People’s Army (NPA) at Abu Sayyaf Group.

IMPRASTRUKTURA

SONAIniulat naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na nakapagpagawa na sila ng 3,945 kilometro ng daan sa iba’t ibang panig ng bansa habang itinuloy rin ang mga proyektong nabinbin sa nakalipas na mga administrasyon.

PAYAK NA PAGHAHANDA SUBALIT LIGTAS

Makikinig sa talumpati ni Pangulong Duterte ang kanyang buong pamilya at ayon kay Mayor Sara, darating ang kaniyang ina na si Elizabeth Zimmerman at kapatid na si Vice Mayor Paolo  habang sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na darating din ang common law wife na si Honey­let Avancena at anak nila na si Kitty.

All set go na ang pulisya sa kanilang 7,000 tauhan na magse-secure ng SONA katuwang ang militar ngayong araw habang welcome ang mga raliyista na ihayag ang kanilang damdamin.

Inaasahang aabot sa 7,000 hanggang 10,000 militante ang magra-rally ngayong araw subalit tiniyak ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Alba­yalde na kontrolado ito at positi­bong hindi magiging marahas ang mga ito at sa halip ay nais lamang iha­yag ang damdamin para marinig ng Pangulo.

Preparado na rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa daloy ng mga sasakyan patu­ngo at paalis ng Batasan Hills, Quezon City.

Naging mahigpit naman ang House Security Secretary General Cesar Pareja sa media at sinabihang huwag munang i-post ang ID na inisyu sa kanila para hindi makagawa ang masasamang element na nagnanais pu­masok sa Batasang Complex. EUNICE CALMA-CELARIO

Comments are closed.