IKA-3 SUNOD NA FRENCH OPEN TITLE NASUNGKIT NI SWIATEK

PARIS, France — Nahila ni Iga Swiatek ng Poland ang kanyang dominasyon sa French Open noong Sabado makaraang pataubin si Jasmine Paolini, 6-2, 6-1, sa finals upang kunin ang kanyang ikatlong sunod na Roland Garros title.

Dinomina ni world number one Swiatek si Italian 12th seed Paolini, isang first-time Grand Slam finalist, sa loob lamang ng 68 minuto upang makopo ang kanyang ika-4 na korona sa loob ng limang taon sa Paris.

Ito na ang ika-5 Grand Slam title ni Swiatek. Ang isa pa niyang panalo ay sa 2022 US Open.

Siya ang ika-4 na babae sa Open era na nagwagi ng Coupe Suzanne Lenglen ng apat na beses —  kasunod nina Justine Henin, Chris Evert at Steffi Graf.

Noong 2020 ay nasungkit ni Swiatek ang kanyang maiden title sa Paris, naging lowest-ranked champion sa Open era history (No.54 sa rankings).

“It’s amazing to be here. I love this place. I wait every year to come back,” sabi ni Swiatek.

“I was almost out of the tournament,” aniya. “I also needed to believe this one is going to be possible, it’s been a really emotional tournament.”

Si Swiatek ay ikatlong babae pa lamang na nagwagi sa torneo ng tatlong sunod. Si  Henin, noong 2005-07, ang huling nakagawa nito. Nagawa rin ito ni Monica Seles bilang teenager sa pagsisimula ng 1990s.

Sa edad na 23, ang kanyang apat na Roland Garros titles ay kapareho ng kay Rafael Nadal, ang record 14-time champion, sa parehong edad.