IKA-3 SUNOD NA PANALO LALAGUKIN NG BEERMEN

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
5 p.m. – Terrafirma
vs Rain or Shine
7:30 p.m. – San Miguel vs Eastern

SISIKAPIN ng San Miguel Beer na mapanatili ang kanilang winning streak sa ilalim ni returning coach Leo Austria sa pagsagupa sa Eastern sa PBA Commissioner’s Cup ngayong Linggo sa PhilSports Arena sa Pasig.

Two-zero kina Austria at import sub Torren Jones, umaasa ang Beermen na maabot ang .500 mark at maitala ang ikatlong sunod na panalo kontra Hong Kong-based dribblers sa 7:30 p.m. mainer ng penultimate playdate ng liga sa 2024.

Kumamada si June Mar Fajardo ng 27 points, 22 rebounds, at 6 assists upang pangunahan ang Beermen sa 115-102 pagbasura sa Blackwater noong Biyernes.

Sa kanilang naunang laro, ang eight-time MVP winner ay nakakolekta ng 21 markers, 19 boards at 7 assists upang pamunuan ang Beermen sa pagbibigay kay Austria ng matagumpay na head-coaching return sa kanilang 106-88 panalo laban sa Terrafirma.

“Normal na sa kanya yan,” pahayag ni Austria patungkol kay Fajardo.

Kuminang din si Jones na may 29 markers at 14 boards sa kanyang ikalawang appearance kapalit ni SMB’s first reinforcement Quincy Miller.

“He’s still adjusting to the system but slowly nakukuha na niya ‘yung game plan and we’re happy sa pagiging hard worker niya; andami niyang nakuhang bola at putbacks. That’s one of the things na kailangan namin,” wika ni Austria patungkol kay Jones, na may 24-13 sa kanyang debut.

Target ni Jones at ng Beermen na umangat sa 3-3 sa pagharap sa guest squad na galing sa 113-120 pagkatalo sa NorthPort Batang Pier.

Kumana sina Arvin Tolentino at Kadeem Jack ng pares ng 30-point games at nagtala ng pinagsamang 73 nang agaw bumawi ang NorthPort mula sa kanilang unang talo sa conference at ipinalasap sa Eastern ang ikalawang kabiguan nito sa pitong laro.

“It’s always fun to play ‘yung dayo ‘yung kalaban mo or you’re playing outside the country kasi may kasamang factor na gusto mo’ng manalo. And that’s what happened today,” sabi ni Tolentino.

Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay hangad din ng Rain or Shine na mapanatili ang kanilang winning streak at matikas na tapusin ang taon sa pagsagupa sa wala pang panalong Terrafirma.

Sa unang tingin ay pinapaboran ang Elasto Painters na maitala ang kanilang ika-4 na sunod na panalo at umangat sa 4-1 laban sa Dyip, na nasa ilalim ng standings na may 0-6 record.

Subalit ayaw magkampante ni Rain or Shine coach Yeng Guiao. “Mahirap pa ring magtiwala,” babala niya.

“Merong araw na maganda lalaruin kahit sabihin nating nag-i-struggle ‘yung team. Pag natapat sa iyo na maganda lalaruin nila mahihirapan ka pa rin,” dagdag ni Guiao.

“So hindi p’wedeng mag-relax or mag-kampante.”
CLYDE MARIANO