IKA-3 SUNOD NA PANALO SA ‘TROPA’

Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – NorthPort vs TNT
6 p.m. – San Miguel vs Rain or Shine

SUMANDAL ang kulang sa taong TNT kay Mikey Williams upang pataubin ang Phoenix Super LPG, 87-72, sa PBA Philippine Cup nitong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo.

Sa kanyang ikalawang laro pa lamang para sa Tropang Giga matapos ang naantalang contract negotiations, nagbuhos si Williams ng 27 points bukod pa sa 7 assists, 6 rebounds at 2 steals upang pangunahan ang kanyang koponan sa ikatlong sunod na panalo at 5-2 record overall.

“I’m getting there,” sabi ni Williams patungkol sa kanyang game-shape na hindi pa niya nailalabas, tulad ng namalas sa kanyang 15-point (5-of-20 shooting), four-turnover performance sa 89-85 overtime win kontra Rain or Shine noong Huwebes.

“I’m just trying to continue working… to get them back,” dagdag ni Williams. “I know it’s not gonna be easy, but I feel I’m in great shape but I may not look like it yet.”

Bagaman hindi naglaro sina Troy Rosario, Ryan Reyes at Frederick Tungcab (knee) at Kib Montalbo (groin strain), ang kanilang pagliban ay hindi naramdaman nang dumating ang winning time.

Nalimitahan sa 9 points lamang sa buong first half, naitala ni Williams ang unang pitong puntos ng kanyang 11 fourth quarter points sa 10-0 run na nagbigay sa TNT ng 63-61 kalamangan.

Nang manalasa sina Roger Pogoy (20 points) at Poy Erram, ang bentahe ay lumobo ng hanggang 87-68, may 1:33 ang nalalabi.

Ang pagkatalo ay ikatlong sunod ng Phoenix upang mahulog sa 2-5 kartada.

Tumapos si Sean Anthony na may 13 points at 14 rebounds, nag-ambag si Javee Mocon ng sarili niyang double-double na 12 at 10 at tumapos si rookie Tyler Tio na may 13 points para sa Phoenix, subalit nalimitahan si Matthew Wright sa tatlong puntos lamang matapos ang 1-of-11 shooting at 4 turnovers.

– CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (87) – M.Williams 27, Pogoy 20, Khobuntin 9, Erram 8, Castro 8, Alejandro 7, Banal 3, K.Williams 2, Ganuelas-Rosser 2, Heruela 1, Cruz 0.
Phoenix (72) – Tio 13, Anthony 13, Mocon 12, Jazul 11, Melecio 6, Manganti 5, Muyang 3, Wright 3, Lalata 2, Garcia 2, Pascual 2, Rios 0.
QS: 16-18, 43-46, 62-58, 87-72