GUMUHIT ng kasaysayan sina Sisi Rondina at Babylove Barbon ng University of Santo Tomas sa UAAP Season 81 beach volleyball championship nang kunin ang ika-3 sunod na titulo kahapon sa Sands SM By The Bay.
Naitala ng Tigresses ang magaan na 21-7, 21-16 panalo laban sa De La Salle tandem nina Michelle Morente at Tin Tiamzon upang makumpleto ang isa pang ‘perfect season’.
Pinapaboran na makopo ang kampeonato bago pa man magsimula ang torneo, ang UST ay nanalo na ng 19 consecutive matches – isang bagong marka sa liga – simula pa sa Season 79 Finals.
Nalusutan ng Tigresses ang mahirap na second set upang mamayani sa Lady Spikers sa Game 1, 21-12, 21-19.
Nabawi naman ng UST ang men’s throne nang malagpasan nina Krung Arbasto at Jaron Requinton ang matikas na pakikihamok ng Far Eastern duo nina Jude Garcia at Richard Solis sa Game 2 upang maitakas ang 21-13, 22-24, 15-10 panalo.
Nauna nilang napigilan ang perfect run ng Tamaraws sa pamamagitan ng 21-14, 21-16 panalo sa finals opener.
Para kay Rondina, hindi hadlang ang taas para tulungan ang kanyang eskuwelahan na maging unang women’s beach volleyball team na nakakumpleto ng ‘three-peat’.
“For you to prove yourself na kaya mo, why not?,” ani Rondina, na nakopo ang ika-4 na season MVP award. “Nag-start ako ng first year parang alam ko sa sarili ko na wala pang napatutunayan kasi ganito lang, maliit lang ako. Pero the time na nananalo kami, puwede pala. Bonus na itong MVP. Ang goal ko lang talaga ay manalo at makapagbigay para sa UST.”
Inialay naman ni Arbasto ang titulo sa kanyang dating partner na si KR Guzman, na nabigong manalo sa kanyang final year makaraang yumuko ang Tigers sa Bulldogs sa championship noong nakaraang season.
“Wala akong iniisip kundi ang mabawi ang championship para kay KR. Ang saya ko lang kasi graduating ako at lalabas ako ng UST na naibalik ang korona para sa kanila,” ani Arbasto.
Ang UST ay table ngayon sa National University para sa pinakamaraming titulo na may apat.
Comments are closed.