Muli na namang ipinagdiwang ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Bacoor, Cavite ang makulay na Bakood Festival 2018 sa ika-347 taong anibersaryo. Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng First Wednesday Mass noong Setyembre 5. Sinundan ito kinabukasan ng Gender Sensitivity Training for Youth Officers, Basic Life Skills Training for Youth at ang Basic Financial Literacy for out-of-school youth. Idinaos din ang Fun Walk Run at Inter-Department Mini Olympics. May Sports fest din para sa PWD at ang The Voice of Bacoor na nilahukan ng mga kabataan na mahilig umawit. Maging ang tournament sa Mobile Legends na sinasabing dinagsa ng mga kabataang mahilig sa “Game of Throne”
Binigyang parangal din ang Bacoor law enforcers sa awarding ceremony na ginanap sa bagong City Hall. May iba’t ibang pa-contest at competitions ang idinaos kung saan kabilang ang On-The-Spot Poster Making Contest na ginanap sa SM City Bacoor Activity Center noong Setyembre 17. Nilahukan ito ng mga estudyante mula sa mga pampubliko at pribadong elementarya sa nabanggit na lungsod. Maging ang Essay Writing Contest na ginanap sa Main Square, Molino Activity Center sa nabanggit na lungsod ay dinagsa ng mga mag-aaral sa Grade VII at Grade X noong Lunes (Setyembre 24).
Hindi naman nagpahuli ang idinaos na Ugnayan ng Kapulisan, Barangay at Siklista sa cycling event at maging ang Bakte sa Bacoor Competition ay nilahukan ng mga kabataan at katandaan.
Samantala, nagpalabas naman ng kalatas ang pamunuan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Bacoor kaugnay ng pagsasarado ng kalsada at suspensiyon ng klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa kahabaan ng Evangelista Street dahil sa Drum and Lyre Civis Parade na sinimulan noong Biyernes (Setyembre 28). Dahil sa nasabing kalatas ay inanyayahan naman ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Bacoor ang mga guro at mag-aaral, maging ang mga kawani at opisyal ng lokal na pamahalaan na makilahok sa nasabing pagdiriwang.
Pinaka-highlights sa pagdiriwang ng Bakood Festival 2018 ay ang dagundong at kakaibang indak na Drum and Lyre Competition na nilahukan ng 30 paaralang elementarya at sekondarya ng pampubliko at pribado kung saan idinaos sa loob ng Strike Gymnasium sa gilid ng bagong City Hall noong Biyernes ng tanghali (Setyembre 29, 2018). Halos hindi mahulugan ng karayom ang nasabing okasyon.
Gayunman, inanyayahan din ang mga residente at lokal na turista na naninirahan sa nasabing lungsod na nakiisa sa pagsalubong sa guest of honor na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio sa pagdiriwang ng Bakood Festival 2018. Nagpasalamat naman ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Bacoor sa pamunuan ng pulisya at iba pang law enforcers kaugnay sa pananatiling mapayapa ang idinaos na pagdiriwang ng Bakood Festival 2018.
Magugunita na inilunsad ang 1st Bakood Festival 2008 noong Setyembre 22 hanggang 29 upang makilala ang munisipalidad ng Bacoor sa mga lokal na turistang naninirahan sa Cavite at mamumuhunan sa nasabing lugar.
Ito ng ika-337 taong anibersaryo kung saan isinilang ang kauna-unahan at makulay na Marching Band of the Phils. Kabilang sa mga highlights ng 1st Bakood Festival ay ang “Salubong” na ginanap sa Zapote-Kalinisan Intersection Road. Tampok ang street dance kompleto na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang eskuwelahan sa nabanggit na munisipalidad. Ipinagmalaki ng Bakood Festival ay ang Talong Chips at di matatawarang masarap na Digman Halo-Halo. Hindi magiging kompleto ang pagdiriwang ng Bakood Festival kung wala ang Food Festival kung saan ipinamalas ang pagluluto ng tahong at talaba sa 101 paraan.
Comments are closed.