IKA-4 NA NATIONWIDE BIKE CARAVAN INILUNSAD PARA KAY CAYETANO

INILUNSAD ng mga siklista nitong Linggo ang ikaapat na nationwide bike caravan bilang pagpapakita ng suporta sa kandidatura ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Iba’t ibang samahan ng siklista sa 14 na lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang sabay-sabay na nagdaos ng kani-kanilang “1-4 Alan Bike Caravan”.
Nilibot ng mga siklista ang mga pangunahing kalsada ng La Union, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Batangas, Quezon, Iloilo, Dumaguete, Tacloban, Catbalogan, Zamboanga, Misamis Oriental, Digos, at Kidapawan.
Sumama rin sa bike caravan ang mga mayor, vice mayor, at barangay official ng bawat lugar.
Pahayag ng mga lumahok, inilunsad nila ang bike caravan bilang pakikiisa rin sa isinusulong ni Cayetano na eco-friendly at “lead-by-example” campaign ngayong eleksiyon.
“Maganda kasi talagang exercise ang pagba-bike, at siyempre tipid sa gasolina. Tulong na rin natin sa environment protection tulad ng sabi ni Senator Alan,” wika ng isa sa mga siklista.
“Malayo-layo rin ang napadyak natin. Sana marami tayong naabot sa mensahe ni Congressman Alan na pangalagaan ang kalikasan,” pahayag ng isa pa.
Noong nakaraang Pebrero ay inanunsiyo ni Cayetano na hindi siya gagamit ng mga naka-imprentang campaign material gaya ng poster, flyer, at tarpaulin na, aniya, ay makadadagdag lamang sa tone-toneladang basurang naiipon tuwing eleksiyon.
Hindi rin siya nagsagawa ng mga motorcade na maaksaya, aniya, sa gasolina at nakadadagdag sa polusyon.
Hinikayat na lang niya ang kanyang mga taga-suporta na magtanim ng mga puno at mangrove, magtayo ng mga urban farm, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.
Nagsusulong si Cayetano, na isa sa mga nangunguna sa mga pinakahuling survey para sa mga kandidato sa pagka-senador, ng isang faith-based at values-oriented leadership sa Senado.