IKA-4 NA SUNOD NA BATANG PINOY OVERALL TITLE SA BAGUIO CITY?

UMALAGWA ang Baguio City sa mahigpit na labanan kontra Cebu at Pasig para sa inaasam nitong ikaapat na  sunod na overall title  sa huling araw ng Batang Pinoy National Championships na isinasagawa sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan.

Humakot ng 15 gintong medalya ang Summer Capital of the Philippines mula sa archery, taekwondo at judo nitong Huwebes upang iwanan ang umakyat sa ikalawang puwesto na Pasig City at ang dumausdos na dating kampeon na Cebu City sa ikatlong puwesto.

Apat na gintong medalya ang idinagdag ng 14-anyos na estudyante ng Baguio City National High School at nasa ikalawa nitong  BP na si Chass Mhaiven Nawew Colas sa pagwawagi sa Male 15-under 30-meter, 40-meter, 60-meter recurve, at 1440-round recurve at isang pilak sa 50m. .

“Masaya naman ako and hopefully madagdagan pa mamaya kasi may events pa ako (Olympic Round, Mixed team event, and team events) and sana madagdagan pa mamaya,” sabi niya.

Nag-ambag ang Poomsae ng pitong ginto mula kina Kate Julliane Cortez sa Individual Cadet Female, Caleb Angelo Calde sa Individual Cadet Male, Acey Kiana Oglayon sa Individual Junior Female, Jaidev Nicolas Montalbo Marcus Jared Maquiray, at Ryan Cliftin Nabejet sa Team Male Cadet.

Wagi rin sina Angel Lyn Yvainne Dacanay at Caleb Angelo Calde sa Mixed Pair Cadet,  Aesha Kiaa Oglayon at Jonas Sales sa Mixedf Pair Junior at Angelyn Yvainne Dacanay, Kate Julliane Cortez, at Trisha Lobbonan sa Poomsae Team Female Cadet upang iangat ang City of Pines sa 32 ginto, 25 pilak at 40 tanso.

Naagaw naman ng Pasig ang ikalawang puwesto sa pagkolekta ng kabuuang 25 ginto, 27 pilak at 33 tanso mula sa ikaapat na puwesto habang inihulog nito ang Cebu sa ikatlong puwesto na may 20 ginto, 15 pilak at 21 tanso, at ang Davao City sa ikaapat na puwesto na may 20-14-16.

Sinandigan ng Pasig ang swimming at archery sa paghakot ng 10 gintong medalya sa tulong nina Arabella Taguinota sa Girls 13-14 100m breastroke, Morie Pabalan sa Boys 16-17 100m breastroke, Charles Ezekiel Canlas, Marcelino Picaral II, Jefferson Sbularse, Arvin Taguinota sa Boys 12 & under 200m freestyle relay at Gabriel Medenilla, Antonio Joaquin Medenilla, Antonio Reyes at Miguel Martinez sa Boys 13-17 200m freestyle relay.

Sumandig naman ang Davao para kumapit sa ikaapat na puwesto sa kabuuang 20 ginto, 14 pilak at 16 tanso, tampok ang iniambag ni Daphne Manuelle Magdangal Uyking na 4 ginto at 1 pilak sa Archery 13 Under Qualification Round – Recurve Under 13 Female 20 meters (349), sa 25m (327) at sa Qualifying round (239 puntos).

Hanggang press time ay hindi pa nakukumpleto ang lahat ng resulta ng kabuuang 25 pinaglabanang sports.

Samantala, nakasikwat na si Adrian Taguinota ng kabuuang anim na gintong medalya, gayundin si Micaela Jasmine Mojdeh sa swimming competition na kapwa may natitirang isang event sa swimming para sa posibilidad na mapantayan ang pitong gintong medalya na nasungkit ni Karl Jahrel Eldrew Yulo sa gymnastics.

Nakadalawang ginto matapos magwagi sa aerobics gymnastics national developmental category si Jethro Inigo Odtohan ng Pasig City sa iskor na 12.350 sa Individual Men bago nakipagpareha kay Chairmane Joy Cortez sa Mixed Pair.

Wagi naman sa Individual Women si John Mikhaela Ladaran ng General Santos City sa iskor na 14.300 habang iniuwi ng Bulacan ang ginto sa Trio mula kina Mhayca Bitoin, Prince Gian Cruz at Ivan James San Pedro habang ang aero dance ay nakamit ng Taguig.

Barreto, Dela Torre, Mordido nagpasilkab sa PNG

Ikinahon nina swimmers Miguel Barreto at Atasha Dela Torre at woodpusher WIM Kylen Joy Mordido ang ikatlo nilang gold medal kahapon sa Day 5 ng 2023 Philippine National Games finals.

Nilangoy ni 20-year-old Barreto ng Bulacan ang gold medal sa 18 & over men’s 200m freestyle na ginanap sa PhilSports swimming pool sa Pasig City.

Nirehistro ni Barreto ang isang minuto at 53.05 segundo sapat upang ungusan sina silver at bronze medalists Reiniel Francis Lagman (1:59.07) ng Pasig at Renz Kenneth Santos (1:57.96) ng Navotas.

Dinomina naman ni Dela Torre, 19, ng Ormoc City ang women’s division ng 100m butterfly matapos ilista ang isang minuto at 06.29 segundo para makopo ang gintong medalya.

Tinalo ni Dela Torre sina Jindsy Azze Morgia Dassion ng Mandaluyong City at Maiki Samantha Gonzaga ng Davao na tumapos sa second at third, ayon sa pagkakasunod.

Patuloy na kumikinang si Olympian Mordido matapos magkampeon sa PNG Chess Championships – Blitz women’s division na nilaro naman sa GSIS gymnasium sa Pasay City.

Nakalikom si Mordido ng anim na puntos sa event na ipinatupad ang seven round swiss system, kapareho niya sina WFM Cherry Ann Mejia ng Taguig at Ma. Elayza Villa ng Mandaluyong subalit matapos idaan sa tie-break points ay nagkampeon ang una.

Samantala, tatlong ginto rin ang pinitas ni Lyka Labrica Catubig ng Davao matapos angkinin ang korona sa U-20 ng 5,000m walk na ginanap sa PhilSports track & field oval, Miyerkoles ng gabi.

Naorasan si  University of Mindanao (UM) BS Criminology student Catubig, 19,  ng 28 minuto at 21.82 segundo.

CLYDE MARIANO