IPINAGDIWANG kahapon Sabado, June 24 ang ika-452 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila.
Dahil dito, naglatag ng mga gawain bilang tanda ng mahalagang okasyon, isa na nga dito ay ang pagkorona sa Miss Manila 2023 at ang civic-military parade.
Pinangunahan kahapon ni Mayor Honey Lacuna ang parada at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Rajah Sulayman sa Malate ang lungsod ng Maynila na sinundan ng civic and military parade sa Moriones, Tondo kahapon din ng umaga at ng Gran Copa de Manila sa Metro Manila Turf Cluv, Malvar, Batangas dakong alas- 4 ng hapon bilang parte ng pagdiriwang ng ika-452 anibersaryo nito.
Si Rajah Sulayman ay kinikilala bilang huling hari ng Maynila na lumaban sa mga Kastilang mananakop.
Ilan sa lumahok dito ay ang Muslim at Chinese communities sa lungsod, pati na ang kawani ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Nauna nang idineklarang special non-working day sa Maynila ang Hunyo 24 bilang pagdiriwang sa anibersaryo nito.
Itinuturing din na isa sa mga tampok sa pagdiriwang ng “Araw ng Maynila” ay ang Gawad Manileño 2023, kung saan ang mga residente ng Maynila ay mayroong mahalagang naiambag sa lungsod sa kanilang larangan ay binibigyang pagkilala.
Ayon kay Lacuna may 40 Manileño ang binigyan ng karangalan para kanilang natatanging kontribusyon sa progreso ng kanilang komunidad sa pamamagitan ng kanilang gawa.
Binigyang pagkilala din ang top taxpayers at employers sa pagtulong nila upang mapalago ang ekonomiya ng lungsod.
Sinabi ni spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante na ilang mga kalye sa lungsod ang isinara kahapon dahil sa civic-military parade para sa ‘Araw ng Maynila.’ VERLIN RUIZ