IKA-6 ANG NAIA BILANG PINAKAMAGANDANG AIRPORT SA SOUTHEAST ASIA

magkape muna tayo ulit

Ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay nasama bilang ika-anim sa magandang paliparan sa Southeast Asia. Ito ay ayon sa kilalang news publication sa Britain na The Telegraph. Subalit ang NAIA ay nasa ranggong ika-66th ang puwesto sa buong mundo.

Ayon sa The Te­legraph, ang Changi Airport ng Singapore ang pinakamagandang pali­paran sa buong mundo. Ito ay dahil sa kanyang disenyo, makabagong teknolohiya at mga tanawin sa loob mismo ng nasabing paliparan.  Makikita kasi sa loob ng Changi Airport ang pinakamalaking indoor waterfall. May hotel, shopping center, kainan at marami pang ibang magagandang tanawin ang makikita na akala mo ay nasa labas ka na ng airport.

Ang sumunod ay ang Suvarnabhumi Airport sa Bangkok, Thailand, na nasa ika-35th sa buong mundo. Ito ay makikita sa Bang Phli District, Samut Prakan Province. Malaki ang lupain ng nasabing paliparan na may sukat na 3,240 hectares. Masasabing ito ang isa sa pinakamalaking international airport sa Southeast Asia. Umaabot ng US$5 billion ang halaga ng Suvarnabhumi Airport. May disenyong dalawang parallel runways at taxiways na magbibigay ng maayos na paglipad at paglapag ng mga eroplano. Batay sa The Telegraph, maganda ang lokasyon ng kanilang airport. Malapit sa lungsod ng Bangkok at maraming magagandang hotel sa kapaligiran nito.

Ikatlo ay ang Soekarno–Hatta International Airport sa Jakarta, Indonesia, na ika-38th sa mundo. Ang lokasyon ng nasabing paliparan ay may layong 30 kilometers sa kanluran ng Jakarta. Ang nasabing paliparan ay may tatlong terminal na nagsesrbisyo ng mahigit 49.08 million na mga pasahero noong  2023. Itinalagang ika-32nd na busiest airport sa mundo at pangatlo sa Southeast Asia ayon sa Airports Council International.

Ika-apat ay ang Tan Son Nhat International Airport ng Vietnam. Ito ay makikita sa Ho Chi Minh City. Ika-44th sa mundo. Kaya ng nasabing paliparan na magserbisyo ng 36 million na mga pasahero kada taon simula pa noong 2017. Ang Tan Son Nhat International Airport ay matagumpay na nakakatanggap ng mas maraming pasahero sa orihinal na kapasidad na 25 million passenger kada taon dulot ng tumaatas na turismo sa bansang Vietnam. Noong 2023, umabot sa 40 million passengers ang naserbisyuhan ng nasabing airport.

Patuloy ang pagpapaganda at modernisasyon ng kanilang improved terminal facilities at karagdagang kagamitan sa tulad ng screening equipment at automated immigration gates para mapabilis ang pagpoporseso ng mga pasahero at banyagang mga turista.

Ika-lima ay ang Kuala Lumpur International Airport sa Malaysia. Ito ay nabilang na ika-46th sa mundo. Ang nasabing airport ay may layong 45 kilometers sa kapitolyong Kuala Lumpur. Matagumpay na kinayang serbisyuhan ang 47 million passengers noong 2023. Ito ang premyadong paliparan ng Malaysia.

At ang ika-anim ay ang ating Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ika-66th sa mundo. Marahil ay alam naman natin lahat ang kapasidad at problema ng ating paliparan. Umabot sa 45.3 million passengers ang naserbisyuhan ng NAIA noong 2023. Tumaas ito ng 47% mula noong 2022.

Pumasok na ang San Miguel Corporation na pinangungunahan ng bilyonaryong si Ramon Ang sa rehabilitasyon ng NAIA. Maliban pa rito ay ang pinagagawa niyang Bulacan International Airport sa Bulakan, Bulacan.

Ito ay may layong 35 kilometers sa Manila. Hawig sa mga lokasyon ng ibang paliparan. Ang nasabing international airport ay may lawak na 2,500 hectares sa loob ng 12,000 hectares na deve­lopment kasama ang mga residential at commercial areas. Tinatayang aabot ng P735.634 billion ang pagpapagawa ng Bulacan International Airport na maaaring maging ope­rational bago ang 2030. Maganda ang disensyo ng nasabing airport. Malamang ay tulad ng airport sa Bangkok, Thailand magkakaroon din ng dalawang parallel runways at taxiways na magbibigay ng maayos na paglipad at paglapag ng mga eroplano, na wala ang NAIA.

Ito marahil ang dahilan kung bakit pinasok ni Ramon Ang ang pagpapagawa at rehabilitasyon ng ating airport. Napag-iiwanan na kasi tayo ng mga kapitbahay natin sa rehiyon. Tunay sana na mangyari at matupad ang planong ito. Panahon na upang magkaroon tayo ng makabago at modernong international airport. Marahil hindi lang ako ang nakakapansin sa estado ng NAIA kung ihahambing natin sa ibang paliparan kapag tayo ay bumibiyahe sa ibang bansa.