Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Cignal vs Chery Tiggo (3rd Place)
6 p.m. – Choco Mucho vs Creamline (Finals)
ISANG panalo na lamang ang kailangan ng Creamline para sa isa na namang makasaysayang conference sweep sa Premier Volleyball League.
Unbeaten sa 14 matches sa Second All-Filipino Conference, ang Cool Smashers ay lumapit sa pagduplika sa kanilang remarkable 20-0 sweep sa parehong conference noong 2019.
Nagtatangka sa league-best seventh championship, tangan ng Creamline ang momentum kontra Choco Mucho sa Game 2 ngayong alas-6 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Ang nakamamangha sa Cool Smashers, na 10-0 all-time din laban sa Flying Titans, ay nananalo sila kahit wala si ace setter Jia De Guzman, na dinala ang kanyang talento sa Japan V.League para sa Denso Airybees.
“Well, first of all, it’s my first time to play with Creamline na wala si Jia, so medyo iba rin yung dating sa amin, but we’ve been playing with Kyle (Negrito) din naman,” pahayag ni Alyssa Valdez matapos ang 25-23, 19-25, 26-24, 25-22 panalo ng kanyang koponan laban sa Choco Mucho noong Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena.
“Nakaka-miss din si Jia kasi iba rin ‘yung composure niya in terms of these big games. But we’re really happy for her kasi ang ganda rin naman ng ipinapakita niya sa Japan and we’re looking forward na sana mag-reunite kami soon, may it be on or off the court,” dagdag pa ni Valdez.
Nagtala si Negrito, na nagdiwang ng kanyang ika-27 kaarawan kahapon, ng 22 excellent sets upang ma-outplay si counterpart Deanna Wong at nag-ambag ng isang service ace sa opener.
Pinuri rin ni Valdez, umiskor ng 11 points sa Game 1, ang pag-improve ng Cool Smashers sa pagkawala nina De Guzman at Ced Domingo, na kasalukuyang nasa Nakhon Ratchasima sa Thailand.
“Well, I guess one thing na masasabi ko, grabe ‘yung growth and maturity ng lahat. Andami rin naming pinagdaanan, there was this conference na ako yung wala at nandoon naman sina Jia. Ang ganda rin nung naging setup ng mga nangyari sa amin, and now, even if kung sino yung ipasok ni coach, talagang may identity na,” ani Valdez.
“Kilala na nila ‘yung sarili nila on how they play and how we play as a team. So I think a very crucial part is we have to stick to the system talaga. At least, very happy, very proud of all of them,” dagdag pa niya.
Kumamada sina Tots Carlos at Jema Galanza ng tig-16 points at 16 digs habang napantayan ni Michele Gumabao, na naging starter sa fourth set, ang 11-point output ni Valdez.
Nagtala si Jeanette Panaga, ang isa pang double-digit scorer ng Creamline, ng team-best 4 blocks upang tumapos na may 13 points.
Nanalo ang Flying Titans sa second set at may tsansa na kunin ang 2-1 set lead sa third, subalit nagpamalas ang Cool Smashers ng matinding katatagan para mabawi ang kalamangan na kanilang napanatili hanggang sa pagtatapos ng two-hour, 12-minute contest.
Nananatiling kumpiyansa si Sisi Rondina, na may 17 points at 19 receptions sa kanyang PVL Finals debut, sa tsansa ng Choco Mucho na ihatid ang series sa decider sa Martes sa Big Dome.
“Sabi nga ni coach Dante (Alinsunurin), hindi pa tapos ang laban, at nakuha nga namin ‘yung semis na—‘yung semis namin, and I think kaya naman naming makabawi. At siguro pagandahin lang iyan ng mindset and recovery,” sabi ni Rondina.
Ang Choco Mucho ay higit na kuminang sa net defense, kung saan naitala ni Maddie Madayag ang pito sa 13 blocks ng koponan, gayundin sa service area, kung saan kumana sina substitute Regine Arocha at Cherry Nunag ng tig-2 aces.
Si Madayag ang top scorer ng Flying Titans sa Game 1 na may 18 points, habang naniniwala si Kat Tolentino na maganda ang ipinakita nila sa opener.
“Siyempre masaya kami sa naging performance namin kanina, even though hindi namin nakuha ‘yung Game 1, but still nandoon pa rin ‘yung palaban na aura ng team,” sabi ni Tolentino.
“Sinabi din ng mga coaches namin kanina na they’re very proud and I think, yun na yun, hindi pa naman tapos yung laban, and lalaban pa rin kami,” dagdag pa niya.
Samantala, target ng Cignal ang ika-4 na third-place finish nito kontra Chery Tiggo side sa alas-4 ng hapon.