MULING tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na may P0.30 dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina, P0.70 sa diesel, at P0.80 sa kerosene.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang price hike sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na magtataas ng presyo sa alas-4:01 ng hapon.
Noong nakaraang Martes, Agosto 22, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.70.
Ito na ang ika-7 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-8 na sunod para sa diesel at kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 22, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P14.50 kada litro, diesel ng P8.80 at kerosene ng P5.84 kada litro.