IKA-77 ARAW NG KAGITINGAN GINUNITA

sundalo

CAMP AGUINALDO – KUNG may mga makabagong bayaning sundalo na dapat bigyan ng pagkilala kahapon, Araw ng Kagitingan o National Day of Valor, April 9, walang iba kung hindi ang mga sundalong itinalaga sa Minda­nao.

Ito ang isa sa mga dahilan kaya pinangunahan ng Malacañang, Department of National Defense (DND), at Armed Forces of the Philippines ang sabay-sabay na paggunita sa Araw ng Kagitingan na dating tinawag na Bataan Day.

Nanguna ang Eastern Mindanao Command (EMC) kasama ang iba’t ibang multi-sectoral group na nagtipon-tipon sa  Rizal Park, Davao City para sa selebrasyon ng ika-77 taon ng Araw ng Kagitingan.

Pinangunahan ni  BGen Ernesto Torres Jr., Deputy Commander ng  Eastern Mindanao Command ang  contingent mula sa Philippine  Army, Air Force, Navy component units, at  Headquarters EMC.

Ang nasabing pagdiriwang ay inorganisa  ng City of Davao na tinampukan ng wreath laying ceremony sa Dambana ng Kagiti­ngan; paggawad ng parangal sa 10th Infantry Division, Philippine Army at pagkilala ng lungsod sa mga nabubuhay pang World War II Veterans. VERLIN RUIZ