MAHILA kaya ni June Mar Fajardo ang kanyang record reign bilang PBA MVP o makasilat sina CJ Perez at Christian Standhardinger?
Sasagutin ito ng annual Leo’s Awards ngayong Linggo kung saan pararangalan ang top performers ng liga para sa Season 48 sa isang special rite sa Smart Araneta Coliseum.
Tampok sa okasyon na nagsisilbing bahagi ng opener ng Season 49 ang paggagawad ng MVP trophy, na mahigpit na pinag-aagawan ng San Miguel duo nina Fajardo at Perez, kasama si dating Ginebra big man Standhardinger.
Nagwagi ng record seven MVP awards, ang 6-foot-10 na si Fajardo ay muling nanguna sa MVP race sa pagtatapos ng season, sa nalikom na kabuuang 42.1 statistical points sa likod ng averages na 17.8 points, league-best 13.4 rebounds, 2.8 assists, at 1.7 blocks per game.
Ang Cebuano big man ang Best Player of the Conference sa Philippine Cup at pinangunahan ang Beermen sa korona ng Commissioner’s at runner-up finish sa and all-Filipino conference.
Pumangalawa si Standhardinger, na nakatakdang maglaro para sa Terrafirma ngayong season, na may 37.8 sps habang nagtala ng averages na 19.2 points, 10.2 rebounds, at 5.0 assists per game, kasunod si Perez na may 37.4 sps sa likod ng averages na 18.9 points, 6.3 rebounds, 3.7 assists, at 1.9 steals. Ang San Miguel guard ay BPC winner din sa Commissioner’s Cup.
Nangunguna naman si guard Stephen Holt, nasa Barangay Ginebra na ngayon, sa Rookie of the Year honor.
Ang Fil-Am player na No. 1 pick overall ng Terrafirma sa draft noong nakaraang taon ay may 34.1 sps sa likod ng averages na 17.0 points, 6.9 rebounds, 5.5 assists, at 1.9 steals per game.
Ang mga numerong ito ay naglagay sa kanya sa no.6 sa MVP race kung saan dinala niya ang Dyip sa kanilang kauna-unahang playoffs stint sa loob ng walong taon sa Philippine Cup.
Nasa no. 2 si Northport’s Cade Flores na may 23.3sps at ang produkto ng Arellano University ay nanguna sa lahat ng rookies sa rebounding na may 7.2 boards upang idagdag sa kanyang 9.3 points average.
Bukod sa MVP at ROY awards, kikilalanin din ang mga miyembro ng dalawang Mythical Team selections, All-Defensive Team , Most Improved Player, at ang Samboy Lim Sportsmanship Award.