ISA na lang sa Cool Smashers. PVL PHOTO
Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4 p.m. – PetroGazz vs Chery Tiggo
6 p.m. – Creamline vs Choco Mucho
SISIKAPIN ng Creamline Cool Smashers na tapusin na ang sister team Choco Mucho Flying Titans sa kanilang best-of-three championship series sa 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference. ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinataob ng Cool Smashers ang Flying Titans sa Game 1, 24-26, 25-20, 25-21, 25-16, sa harap ng 17,457 crowd noong Huwebes sa parehong venue upang lumapit sa kanilang ika-8 PVL crown at ika-4 na sunod na All-Filipino title.
Muling sasandal ang Sherwin Meneses-mentored Creamline sa dynamic trio nina Jema Galanza, Tots Carlos, at skipper Alyssa Valdez, gayundin sa bench players nito na sina Bea de Leon, Michele Gumabao, Bernadette Pons, at Mafe Galanza na nagpanalo sa Game 1.
Sa kabila na nasa kanila ang momentum at angat sa serye ay walang balak ang defending champions na magkampante.
“Syempre, hindi pa tapos ‘yung laban. 1-0 pa lang,” wika ni Meneses. “Kailangan talaga maka-dalawa ka so no need to celebrate talaga. Importante nakuha namin ‘yung Game 1 then tatrabahuhin namin ‘yung Game 2.”
Inaasahan namang babawi ang Flying Titans ni coach Dante Alinsunurin para mahila ang serye sa deciding Game 3, sa pangunguna ni reigning MVP Sisi Rondina, na humataw ng 27 points sa Game 1.
Subalit para magawa nila ito at mapigilan ang Cool Smashers na maipagpatuloy ang dominasyon, kailangan nilang magsagawa ng kinakailangang adjustments.
Makakatuwang ni Rindina sina veteran winger Royse Tubino, captain middle blocker Maddie Madayag, at young setter Mars Alba.
Samantala, tatangkain ng PetroGazz na walisin ang Chery Tiggo sa kanilang sariling serye para sa bronze.