IKA-9 NA ANIBERSARYO NG MAGUINDANAO MASSACRE GINUNITA

MAGUINDANAO MASSACRE

GINUGUNITA kahapon ang ika-siyam na ani­bersaryo ng malagim na Maguindanao massacre kung saan 58 katao kabilang na ang 32 mamamahayag ang marahas na pinaslang.

Subalit, walang anumang programang isinasagawa ang pamilya ng mga biktima bilang pag-alala sa mga nasawi.

Gayunpaman, patuloy naman silang nananawagan sa Quezon City Regional Trial Court na agad nang ipalabas ang hatol sa mga akusado sa krimen lalo na ang itinuturong mastermind na si Andal Datu Unsay Ampatuan Jr.

Magugunitang, Nob­yembre 23 ng taong 2009 nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima na tadtad ng bala at inilibing sa isang mababaw na hukay.

Maghahain sana ng certificate of candidacy ang asawa ni noo’y kandidato pa lamang sa pagka-gobernador na si Esmael Mangudadatu nang harangin ang kanilang convoy ng nasa 100 armadong kalalakihan.

Dinukot at pinagbaba­ril bago inilibing sa hukay ang mga bangkay ng mga biktima gamit ang isang back hoe.

Kaugnay nito, tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kaligtasan ng mga bibisita sa Sitio Masalay, Brgy. Salman sa Ampatuan, Maguin­danao.

Ayon kay Major Arvin Encinas, spokesman ng 6th Infantry Division ng Philippine Army noong isang linggo pa nila dinagdagan ang deployment ng mga sundalong magbabantay sa massacre site kasama ang pulisya.

Sa katunayan, ang nasabing massacre site ay naging tourist destination na matapos ang ipinangakong pag-develop sa lugar ng provincial government ng Maguindanao.

Makikita sa massacre site, ang isang hugis aklat na lapida na may nakasulat na pangalan ng mga biktima at nakakalat na sa 58  ma­liliit na lapida na kulay puti na nakahilera sa paligid na nagsilbing palatandaan kung saan nahukay ang mga ito.

Sementado na rin ang daan paakyat at papasok sa massacre site habang napapalibutan na rin ng plantas­yon ng saging ang lugar sa ngayon.

Nauna nang nag-alay ng bulaklak sa massacre site sina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar at Presidential Task Force on Media Security Undersecretary Joel Egco.

Dumagsa sa massacre site ang mga pamilya ng mga biktima para sa pag-aalay ng bulaklak, panalangin at magsindi ng kandila.

At hanggang sa ngayon ay hustisya ang sigaw pa rin ng pamilya ng mga biktima.

Ayon kay Emily Lopez, pinsang buo ng isa sa mga biktima na si Arthur Betia, marami nang naging pagsubok at tukso sa pamilya ng mga biktima subalit nananatili silang matatag at desididong makamit ang hustisya.

“Inip na inip na po, may mga namatay na po, may iba naman sa amin na may mga sakit na, ‘yung mga dating mga humaharap ‘yung mga asawa ngayon ang mga anak na ang humaharap, malalaki na. Kahit anong tagal, anong hirap ang ma-experience ng family, talagang justice pa rin ang sinisigaw namin.” Ani Lopez

Aminado si Lopez na kung minsan ay nagtatanong rin sila kung bakit tila mailap ang hustisya para sa mga biktima gayung napakaluwag naman ng batas para sa mga akusado.

Tinukoy ni Lopez ang kabiguan pa rin ng awtoridad na madakip ang halos 80 pang akusado, ang pagpayag ng hukuman na makapagpiyansa ang halos kalahat ng 112 nakakulong at pagpayag pa nito na makadalo sa kasal ng kanyang anak ang pangunahing akusado na si Zaldy Ampatuan.

“Ang mga witnesses natin ay talagang sapat na sapat na, tungkol du’n naman saka-sakaling mababa ang hatol, may mga haka-haka na parang isa lang ata ang magiging sacrificial du’n e, sa amin hindi puwedeng isa lang o partial verdict lang kasi ang 58 na buhay ay hindi kayang patayin ng isa, may accessories diyan, dapat lahat ng involved,” pahayag ni Lopez. JUDITH ESTRADA-LARINO/KRISTA DE DIOS/ LEN AGUIRRE –-DWIZ882

Comments are closed.