TULOY-TULOY pa rin ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., simula ngayong Martes, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P0.50, diesel ng P1.20, at kerosene ng P1.10.
Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga.
Noong nakaraang Martes, Agosto 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.30, diesel ng P0.70, at kerosene ng P0.80.
Ito na ang ika-8 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-9 na sunod para sa diesel at kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 29, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P14.80 kada litro, diesel ng P9.50 at kerosene ng P6.64 kada litro.