(Ikakalat sa Sinulog Festival) P20.7-M SHABU NASABAT

CEBU- NASAMSAM ng mga awtoridad ang tatlong kilong shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Casuntingan sa Mandaue City, madaling araw ng Sabado.

Tinatayang nasa P20.7 milyon ang halaga ng droga na nakuha mula sa isang babaeng tinaguriang high value target ng mga anti drugs operatives na pinangangambahang ipakakalat sa Cebu kaugnay sa nalalapit na Sinulog Festival.

Kinilala ang suspek na si Marichu Oyon-Oyon Añora, nasa wastong gulang at residente ng Barangay Cabancalan ng nabangit na lungsod na naghulog sa bitag matapos ang dalawang buwang surveillance operation.

Ayon kay Mandaue City Police spokesperson Lt. Col. Franc Oriol patuloy ang kanilang sinasagawang follow up investigation habang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nasa kanilang drug watchlist.

Sa ulat pinangunahan ng Drugs Enforcement Unit ng Mandaue City Police Office, sa pamumuno ni Col. Wilfredo Alarcon Jr. at Col. Maribel Getigan, katuwang ang mga tauhan ng Regional Drugs Enforcement Unit na pinamumunuan ni Col. Gervacio Balmaceda Jr. at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA 7) sa ilalim ng pamumuno ni Intelligence Agent 1 Jessie Cabutotan, ang ikinasang anti narcotics operation matapos na makumpirma ang illicit drug activities ni Añora.

Inihayag naman ni Lt. Col. Frank Rudolph Oriol, sakop ng drug distribution networks ni Añora ang mga siyudad ng Cebu, Mandaue at Talisay hanggang sa bayan ng Minglanilla.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.
VERLIN RUIZ