ILULUNSAD ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang national crackdown laban sa pagbebenta at paggamit ng pekeng person with disability (PWD) identification cards (IDs).
Ayon sa BIR, umabot na sa mahigit P88 billion ang revenue losses mula sa ganitong uri ng tax evasion scheme.
Sa isang statement nitong Huwebes, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na inatasan niya ang lahat ng opisyal na makipag-ugnayan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang maiwasan ang paggamit ng pekeng PWD IDs.
Tinukoy ang datos mula sa pagdinig kamakailan sa Senado, sinabi ni Lumagui na ang nawalang kita mula sa paggamit ng pekeng PWD IDs ay umabot na sa P88.2 billion noong 2023 pa lamang.
Sa ilalim ng batas, ang mga benepisyo ng PWDs ay kinabibilangan ng 20 percent discount at exemption mula sa value-added tax (VAT) sa ilang produkto at serbisyo.
Gayunman, sinabi ng BIR na inaabuso ng ilang mapagsamantalang indibidwal ang sistemang ito sa pamamagitan ng pagbebenta ng pekeng PWD IDs sa mga mandaraya na nais makakuha ng mga benepisyong ito.
“These fake IDs are not only sold on the streets but also through online marketplaces, making them easily accessible,” ayon sa BIR.
“People who sell and use fake PWD IDs are not only committing tax evasion, they are also disrespecting legitimate and compliant PWDs. The discount given by law to PWDs is for the improvement of their well-being and easing of their financial burden,” ani Lumagui.
“It is not some common discount card that is accessible to the general public. Expect the BIR to run after fake PWD ID sellers and users,” dagdag pa niya.
Patuloy na magsasagawa ang BIR ng tax audits sa mga transaksiyon na may kinalaman sa PWDs na iniulat ng mga establisimiyento.
Sa ilalim ng regulasyon, ang mga establisimiyento ay kailangang magkaloob ng records ng sales sa PWDs, kabilang ang pangalan ng PWD, ID number, disability, at ang halaga ng discount at VAT exemption na ipinagkaloob.
Beberipikahin din ng BIR ang pagiging lehitimo ng IDs na isinumite ng mga establisimiyento.